Pagtaas ng pension, benefits ng ex-DFA workers isinulong
ISINUSULONG ni Sen. Mark Villar ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang pensyon at mga benepisyo sa may kapansanan para sa mga retiradong kawani ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Nais nii Villar na repasuhin ng kanyang mga kasamahan na isaalang-alang ang buhay ng isang career diplomat na dumadanas na kakulangan sa tamang badyet.
Ang panukalang batas idinisenyo upang makatulong sa mga retiradong kawani ng DFA na may edad na 65 pataas at nakapaglingkod nang hindi bababa sa 15 taon.
Ayon kay Villar, ang layunin ng panukala magtatag ng isang monthly pension differential upang masiguro na ang matatanggap ng mga retirado halos katumbas ng tinatanggap ng mga nasa parehong ranggo at taon ng serbisyo na aktibo pa.
“This proposal is about providing these individuals with a dignified retirement,” ani Villar.
Ipinaliwanag niya na ang pagsasaayos ng pensyon hindi kapalit ng mga benepisyo mula sa Government Service Insurance System (GSIS).
Dagdag pa niya, “the DFA will remain within the GSIS framework, and personnel will continue their contributions.”
Ang pension differential na ito, na pamamahalaan ng DFA, ay magsisilbing karagdagang suporta sa umiiral na GSIS pension upang punan ang agwat sa pagitan ng natatanggap ng mga retirado at ang sahod ng mga aktibong tauhan na nasa parehong posisyon.
Isa sa mga pangunahing elemento ng panukala ang periodic review ng differential upang masigurado ang pagpapanatili nito.
Binigyang-diin ni Villar na ang hakbang na ito ay hindi aasa sa pondo ng pambansang badyet; sa halip, ito ay popondohan mula sa mga bayarin sa consular services na nakolekta sa ilalim ng Executive Order No. 906 na inilabas noong 2010.
Tinutugunan din ng panukalang batas ang seguridad sa pinansyal ng mga pamilyang naiwan ng mga retiradong kawani ng DFA na yumao na.
Kung ang isang retirado ay pumanaw, ang panukala ay magbibigay ng 50% ng pension differential na matatanggap ng yumaong retirado sa kanyang natitirang asawa na hindi nag-asawa muli, pati na rin sa mga kwalipikadong dependent na anak.