Artes

Pagtaas ng penalty sa jaywalking dapat ikonsulta muna–MMDA

October 6, 2023 Zaida I. Delos Reyes 277 views

PLANO ng Metropolitan Manila Council (MMC) na konsultahin ang mga stakeholders para sa panukalang itaas ang parusa laban sa mga lumalabag sa jaywalking sa mga kalsada.

Sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes na tinalakay sa pagpupulong ng MMC ang panukala ni DILG secretary Benhur Abalos pero ipinagpaliban ang pagpapasa nito dahil mas makabubuting magkaroon pa ng mas mahabang konsultasyon.

“Diniscuss namin in passing pa lang kanina sinamantala namin habang nandoon si Secretary Abalos na siyang nagmungkahi nito pero sinuspend muna namin iyong pag-pass dahil we want to conduct muna consultations bago namin itaas ang penalty,” pahayag ni Artes.

Sa ilalim ng panukala, mula sa dating P500 gagawing P1,000 at seminar ang ipapataw sa mga lalabag sa jaywalking.

Sa panukala ni Abalos, sakop ng pagtataas ng parusa sa jaywalking sa Edsa at C-5 dahil sa iba’t ibang aksidente na nagaganap sa lugar.

Hinimok ni Abalos ang MMDA at iba pang ahensya ng gobyerno na ikonsidera ang kanyang panukala.

“Magsimula muna tayo doon sa mga delikadong lugar. This is EDSA, unang-una, highway. Number two, C-5. Ang bibilis ng mga sasakyan diyan,” pahayag ng kalihim.