Default Thumbnail

Pagsusuot ng face mask indoors, boluntaryo na lang sa Maynila

November 5, 2022 Edd Reyes 844 views

NAGLABAS ng kautusan si Manila Mayor Dr. Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na nagpapahintulot sa hindi na puwersahang pagsusuot ng face mask sa loob ng pampubliko at pribadong gusali o establisyimento.

Ang inilabas na Executive Order (EO) No. 52 Sereies of 2022 ng alkalde ay alinsunod na rin sa naunang kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng face mask sa loob at labas ng mga pampublikong lugar kung saan ipinatutupad na rin ito sa mga bansang kasapi ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) at iba pang panig ng bansa sa mundo na may maliit na lamang ng bilang ng kaso ng COVID-19.

Batay sa isang pahinang kautusan ni Mayor Lacuna-Pangan, ang antas ng pagdami ng kaso ng nakahahawang sakit sa Lungsod ng Maynila ay patuloy na bumababa sa mga nakalipas na linggo kaya’t natutugunan na ng mga pampublikong pagamutan sa lungsod ang lahat ng may malalang karamdamang kinakailangan ng agarang atensiyong medikal.

Sa ilalim ng Section 1 ng naturang kautusan, magiging optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa loob at labas ng mga pampubliko at pribadong lugar na nasasakupan ng lungsod maliban na lamang sa mga malakihang pagtitipon kung saan hindi maipatutupad ang social distancing.

Kabilang naman sa mga nakasaad na karagdagang pag-iingat ang paghimok sa lahat ng mga establisyimento na magkaroon ng wastong bentilasyon habang lahat ng Manilenyo ay hinihimok ding magpaturok ng booster shots, iwasan ang mga matataong lugar, dumistansiya kung maaari at palaging maghugas ng kamay upang hindi makapagkalat ng mikrobyo o virus.

Sa ilalim naman ng Section 4 ng naturang kautusan, kinakailangang bigyan nito ng kopya ang tanggapan ng Pangulo sa Malacanang batay sa nakasaad sa Section 455 ng Local Government Code of 1991.

Ang naturang kautusan na sinertipikahan ni Atty. Marlon Lacson, Secretary to the Mayor, ay nilagdaan ni Mayor Lacuna-Pangan noong Oktubre 26, 2022 at isinapubliko nito lamang Biyernes ng hapon.

AUTHOR PROFILE