
Pagsuong sa panganib ng mga bumbero, bibigyang protekiyon ng Ang Bumbero ng Pilipinas
MALAKING sakripisyo at panganib ang sinusuong ng mga bumbero, hindi lang sa pagsugpo sa sunog, kundi maging ang magligtas ng buhay subalit napapabayaan naman sila kapag sila naman ang nasaktan o nasawi.
Ito ang dahilan kaya’t ipinasiya si Dr. Jose Antonio “Ka Pep” Goita, ang first nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Party list na katawanin sa Kongreso ang mga bumbero, fire rescuers, at volunteers sa darating na halalan sa Mayo, sa paniwalang panahon na upang mapagtuuuan ng pansin ang ganitong sitwasyon at hindi dapat ipagwalang-bahala ang pagkakaloob ng tulong sa kanila.
Ayon kay Goitia, maraming bumbero ang walang maayos na accident at life insurance mula sa gobyerno kaya’t kung sila naman anya ang maaksidente o masawi, hindi sapat ang kanilang natatanggap upang matustusan at suportahan ang kanilang iniwang pamilya.
“Hindi makatarungan ang mababang hazard pay kumpara sa mga sakrispisyong ginagawa nila. Sila ang tumatakbo papasok sa nagliliyab na gusali habang lahat ay tumatakbo palabas” sabi ni Goitia.
Sinabi ni Goitia na unang isusulong ng ABP party list sakali at makakuha ng sapat na boto ang pagpapatupad ng Firefighters’ Protection and Welfare Fund upang matiyak na may matatanggap na libreng pagpapagamot, benepisyo sa ospital, at pinansyal na tulong ang mga bumbero, fire rescuers at volunteers na nasugatan habang rumeresponde sa mga sunog.
Maghahain din aniya sila ng panukalang disability support at mental health care para sa mga nakaranas ng trauma sa pagtupad sa kanilang tungkulin at pagbibigay ng mas maayos at tuloy-tuloy na pagsasanay upang mas maging handa sila sa pagresponde sa mga sakuna at may de-kalidad na kagamitan upang mabawasan ang panganib at mas ligtas na kundisyon sa trabaho.
“Dapat na tratuhin silang mga bayani lalu’t hindi sila nagdadalawang- isip na isugal ang kanilang buhay para sa mga taong hindi nila kilala.Ang pinakamaliit na magagawa natin ay kung sila ay nasasaktan, may sistema na aalalay sa kanila at ipakita na ang kanilang pagsasakripisyo ay may halaga.,” dagdag pa ni Goitia.