
Pagsuong sa panganib, bahagi na ng buhay ng mga mamamahayag
BAHAGI na ng trahabo ng mga mamamahayag ang malagay sa panganib ang kanilang buhay, saan man sila matalaga para kumalap ng balita na ibabahagi sa publiko.
Pero sa kabila ng naka-ambang panganib, hindi maiiwasan na sumuong sa anumang peligro ang mga mamamahayag para lang maihatid ang mga wastong kaganapang nangyayari sa ating kapaligiran.
Halimbawa na rito ang pagkalap ng balita at pagkuha ng larawan ng mga photojournalist noong mangyari ang kudeta sa panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino na maituturing na mas madugo at mapanganib, kumpara sa nagamap na People Power Revolution na nagwakas sa mapayapang paraan.
Ilang sundalo at kapulisan ang nagbuwis ng buhay sa mga nangyaring kudeta at isa tayo sa mga miyembro ng media na nakasaksi kung gaano naging madugo at marahas ang nangyaring labanan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at mga rebeldeng sundalo.
May pagkakataon naman na sa mismong kamay pa ng kapulisan dumaranas ng hindi magandang karanasan ang mga mamamayahag tulad na lang noong mag-cover kami sa Manila Peninsula Siege na pinangunahan noon nina dating Senator Antonio Trillanes IV at dating MMDA Chairman Danilo Lim.
Lahat kaming miyembro ng media na dinatnan ng kapulisan sa loob ng hotel ay tinangkang igapos at dinala sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan na tila mga suspek at pinayagan lang makauwi bago mag-alas-12 ng hatinggabi.
Hindi lang sa ganitong bakbakan nalalagay sa peligro ang buhay ng mga mamamahayag kundi maging sa pagkalap ng balita sa West Philippine Sea, pagresponde sa nagaganap na hostage taking o shooting incident at maging sa larangan ng pulitika tulad ng sinapit ng mga mamamahayag sa Maguindanao Massacre at iba pa.
Nito lang nakaraang Lunes, nakaranas ng pananakit ang isang radio reporter ng DZRH na si Val Gonzales sa kamay ng ilang miyembro ng grupong Manibela na nagsasagawa ng tigil-pasada pero hindi ito magiging hadlang para magdalawang-isip mag-cover ang mga mamamahayag sa anumang uri ng rally o pag-aaklas ng grupo laban sa pamahalaan dahil maliit na bagay lang ito kumpara sa mga matitindi pang pangyayari sa ating bansa.
Mga lehitimong negosyante, pumalag sa illegal vendors
SAKIT na pala ng ulo ng mga lehitimong may-ari ng negosyo, ang pag-okupa ng mga illegal vendors sa harap ng kanilang establisimiento sa may Quiapo, Manila.
Hindi na raw kasi makita ng mga mamimili ang mga establisimiento sa kahabaan ng R. Hidalgo St. Brgy. 306 sa Quiapo, dahil natabunan na ang mga ito ng mga vendors na nag-display ng paninda sa mismong bangketa.
Ang siste pa, sa mismong lansangan na lang naglalakad ang mga pedestrian, dahil wala ng bangketa silang madaanan na inokupa na ng mga vendors.
Plano na tuloy ng mahigit 30 negosyanteng nagmamay-ari ng mga establisimiento na idulog na sa tanggapan ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Arnold Thomas Ibay at kay Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) chief P/Maj. Dave Apostol ang kanilang problema dahil naging matumal na ang kanilang benta.
Paano na lang kaya kung makarating ang problema kay Mayor Honey Lacuna-Pangan? Baka maraming ulong gugulong, hindi lang sa Hawkers Team at sa Police Detachment sa lugar kundi sa Police Station na nakakasakop dito.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].