Armas Source: File photo

Pagsuko ng 232 NPA sa Davao de Oro isang panibagong simula–Lagdameo

February 6, 2025 People's Tonight 314 views

SINALUBONG ni Special Assistant to the President, Anton Lagdameo Jr. ang 232 lider at miyembro ng New People’s Army (NPA) na kusang-loob na sumuko at nakatakdang sumailalim sa reintegration program ng Davao de Oro sa Huwebes, Pebrero 6.

Idiniin ni Lagdameo ang kahalagahan ng naturang programa kung saan binanggit niya ang patuloy na pagsisikap ng gobyernong matuldukan ang local communist armed conflict at ma-reintegrate ang mga dating rebelde pabalik sa mga komunidad.

“Hindi lang ito tungkol sa pagsuko ng armas, kundi isang panibagong simula, isang bagong pag-asa para sa mga handang magbagong-buhay,” sabi ni Lagdameo sa kanyang talumpati.

Samantala, ibinahagi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Gen. Romeo Brawner Jr. na unti-unti nang humihina ang puwersa ng NPA dahil bumaba na ang bilang ng mga rebelde mula 2,200 noong 2023 papunta sa ngayo’y 1,111.

Bilang bahagi ng kanilang pagsuko, nakatanggap ang mga ito ng food pack, kitchen kits mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), at P5,000 na financial assistance mula sa Office of the President bilang dagdag sa suporta ng iba’t ibang provincial officials.

Positibo namang sinabi ni Lagdameo na ang programang ito ay magbibigay inspirasyon sa iba pang rebelde na tumulad sa dati nilang mga kasama at tuluyang magbago.

“Sa lahat ng sumuko at pinili ang kapayapaan, saludo kami sa inyong tapang at sa inyong desisyong baguhin ang inyong buhay. Ang ginawa ninyo ngayon ay inspirasyon para sa iba upang sumunod sa inyong yapak,” dagdag ni Lagdameo.

Ang dating mga rebelde ay ipapasok din sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) na gagabay sa kanila sa integration.

Ang mga military officers and local chief executives kasama sina Bukidnon Governor Rogelio Neil Roque at Davao Occidental Governor Atty. Franklin P. Bautista ay dumalo rin sa naturang programa.

AUTHOR PROFILE