Pagsasabatas ng EBET pinuri
PINURI ni Sen. Win Gatchalian ang paglagda sa Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act o Republic Act No. 12063, isang batas na magpapaigting sa kahandaan ng mga graduates ng technical-vocational education and training (TVET o tech-voc) sa trabaho.
Sa ilalim ng batas, magiging institutionalized ang EBET framework.
Saklaw ng EBET Program ang tech-voc training na hatid ng mga enterprises, kabilang ang mga pribadong indibidwal, partnership, mga korporasyon, at mga entity.
Layunin din ng batas na patatagin at paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng mga programa, kabilang ang apprenticeship, learnership at ang dual training system sa ilalim ng isang competency-based at industry-driven na EBET framework.
Bagama’t itinuturing na epektibo ang enterprise-based training sa paghasa sa kakayahan at pagtiyak sa mas mahusay na labor market outcomes, pinuna ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM) II na mababa pa rin ang bilang ng mga mag-aaral sa naturang klase ng programa.
Unang binalak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na taasan ang porsyento ng enterprise-based training sa 40% pagdating ng 2022 mula 4% noong 2016. Gayunpaman, noong 2022 ay umabot lamang sa 9% ng kabuuang enrollment sa TVET ang mga enterprise-based trainees.
Binigyang diin ng isang pag-aaral ng Asian Development Bank ukol sa TVET na dahil may mga skills na hindi na masyadong kakailanganin dahil sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya, malaking tulong na maituturing ang enterprise-based training dahil tinutugunan nito ang pangangailangan ng pribadong sektor.
Nakasaad din sa naturang batas na magiging mandato sa mga sektor na may kinikilalang industry boards na bumuo at magrekomenda ng mga EBET programs para sa kanilang mga industriya na aaprubahan naman ng TESDA.
Aaprubahan ng TESDA ang mga nirekomendang programa sa loob ng 30 araw pagkatapos maisumite ang mga ito.
Binigyang diin din ni Gatchalian na sa ilalim ng naturang batas, titiyakin ang kaligtasan ng mga trainees alinsunod sa Safe Spaces Act.