Pagsanib-pwersa ng ULFC, LLFC aprub na kay PBBM
INAPRUBAHAN na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsasanib puwersa ng United Coconut Planters Bank Leasing and Finance Corporation (ULFC) at Land Bank of the Philippines Leasing and Finance Corporation (LLFC).
Sa ilalim ng Executive Order No. 65, ang Land Bank ang magsisilbing surviving entity.
“The merger of LLFC and ULFC, with LLFC as the surviving entity, is hereby approved, subject to relevant laws, rules and regulations,” saad ng EO.
Parehong nasa ilalim ng Department of Finance ang LLFC at ULFC na mga korporasyong nagpapautang saa mga negosyo para sa pagbili ng kagamitan at iba pang ari-arian.
Inaatasan ng EO ang Governance Commission for GOCCs (GCG), LLFC at ULFC na tiyakin na naayon sa Republic Act No. 11232 o “Revised Corporation Code of the Philippines” at Republic Act No. 10667 o “Philippine Competition Act” ang pagsasanib puwersa ng dalawa.
Nakasaad sa EO ang paglilipat ng lahat ng assets at liabilities ng UCPB sa Land Bank pati na ang ownership shares sa ULFC.
Inaatasan din ni Pangulong Marcos ang land Bank na kunin ang mga kwalipikadong opisyal at empleyado ng UCPB.
“In addition to retirement or separation benefits under existing laws and regulations, the ULFC Board of Directors is hereby authorized to adopt a separation incentive package for affected officers and personnel of ULFC, using as reference the rates prescribed under EO No. 150 (s.2021), and in accordance with other applicable laws, rules and regulations,” saaad ng EO.
Nilagdaan ang EO 65 ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Agosto 6, 2024.
Magiging epektibo ang EO sa pagkakalathala sa Official Gazette o sa mga paangunahing pahayagan na mayroong general circulation.