Sugar Isa sa mga warehouses sa Mindanao ang sinalakay dahil sa sugar hoarding.

Pagsalakay ng awtoridad kontra ‘sugar hoarders’ umabot sa Mindanao

August 24, 2022 People's Tonight 344 views

TULOY ang ginagawang pagsalakay ng mga awtoridad laban sa mga malalaking negosyante na sinasabing responsable sa malawakang “hoarding” ng asukal sa bansa at sa pagkakataong ito ay isinagawa ito sa probinsiya ng Cagayan de Oro sa Mindanao.

Bitbit ang kautusan mula sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sinakalay ang mga warehouses na pag-aari ng Crystal Sugar Milling Inc. na nasa panulukan ng North Poblacion.

Isinagawa ang operasyon base na rin sa intelligence report na nagsasabing ang may-ari nito ay sangkot sa malawakang hoarding ng mga supply ng asukal.

Armado ang mga awtoridad ng Letter of Authority (Reference No. 08-22-165-2022) at Mission Order (No. 08-22-2022-536) kung saan tumambad sa mga Customs ang mahigit sa 466,142 sako ng raw sugar mula sa tatlong bodega ng Crystal Sugar Milling.

Kasama ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) mula sa Region 10 (Northern Mindanao) ang representative mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA), gayundin ang ilang miyembro ng local units mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na nakabase sa bayan ng Maramag.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) na kabuuang 466,142 sako ng asukal ang kanilang naimbentaryo at may 264,000 sako na ang naibenta sa mga negosyante, ngunit hindi pa naididiskarga sa mga warehouse.

Ayon sa warehouse manager na kinilalang si Javier Sagarbarria, ang Crystal Sugar Milling ay kayang mag-produce ng dalawang milyong bags ng asukal kada taon.

Nang hingan ng kopya para sa mga “sugar transactions documents” upang maberipika at matiyak na “authorized stock” ang mga narekober na asukal, sinabi ni Sagarbarria na wala ang may hawak ng mga hinahanap na dokumento.

Sa press briefing kamakailan, inihayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na ang BOC, kasama ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan, nagpapatuloy sa isinasagawang operasyon at pagsalakay sa mga sugar warehouses sa bansa.

Ito’y bilang pagtalima sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na importasyon ng mga agricultural products.

“The government crackdown against hoarders and profiteers is part of the campaign of the Marcos government to bring down the price of sugar,” ani Angeles.

Sa loob lamang ng ilang araw, ang BOC, SRA, Department of Agriculture (DA), at mga awtoridad ay nakapag-inspect sa mga sugar warehouses sa Deparo, Caloocan City; Balut, Tondo at San Nicolas, Manila; Rosales, Pangasinan; San Fernando, Pampanga; Ibaan, Batangas, at Davao.

Ilang araw din matapos makipag-usap ni Pangulong Marcos Jr. sa mga may-ari ng Robinsons Supermarket, SM Supermarket, at Puregold, nagkasundo ang mga supermarket chains na ibaba sa P70 kada kilo ang presyo ng asukal mula sa dating presyo nito na P110 per kilo, bagay na pinuri ng publiko.

Nitong nakalipas na araw din ay may narekober pa ang mga awtoridad na 60,000 bags ng mga hoarded na asukal sa Guiguinto, Bulacan.

Dahil sa mga narerekober na tone-toneladang asukal sa iba’t-ibang malalaking warehouse mula Luzon hanggang Mindanao, lalong tumibay ang hinala ng Malacañang na “articial shortage” lamang ang problema sa sugar supply, upang higit na pagsamanatalahan at pagkakitaan ng mga negosyante.

Matatandaan rin ang Subic Port Customs personnel ay nakarekober ng 140,000 bags ng imported sugar mula Thailand na may equivalent na 7,000 metric tons. May suspetsa ang BOC-CIIS na “recycled permit” ang ginamit sa Subic Port. Ni Anchit Masangcay

AUTHOR PROFILE