Default Thumbnail

Pagputol sa tanikala ng kahirapan

November 20, 2023 Allan L. Encarnacion 109 views

Allan EncarnacionITINANIM ko talaga sa isip ng aking mga anak, mga kapatid, mga kamag-anak na kailangan silang magsipagtapos ng pag-aaral para maputol ang tanikala ng kahirapan sa aming angkan.

Kaya nga halos lahat ng aking pamangkin sa kapatid ay nakapagtapos ng pag-aaral at marami sa kanila ay may magaganda naman nang trabaho dito sa at ang iba sa abroad.

Noong nagsisimula pa lamang ako ng kabuhayan after college graduation at nag-asawa, isa ako sa naunang kahit paano ay nakaahon sa aming magkakapatid, kasama na ang aming bunso na may sarili nang pedia clinic sa Virginia, USA. Med-tech graduate ang bunso namin at nakapag-asawa ng pediatrician.

Maganda ang relasyon naming mga magkakapatid, mga bayaw at hipag kaya open kami sa pagtutulungan. Sa pagsisikap naming lahat at pag-aagapay sa isa’t isa, nakatapos ng pag-aaral ang lahat ng aking pamangkin na katulad din ng aking dalawang anak.

Hindi nauso sa second generation ang pag-aaway at pagdadamutan dahil sentralisado ang pagsunod ng lahat kung sino ang timon. Hindi masasabing “buena familia” pero solid sa maraming aspeto ng buhay, lalo na sa pagtutulungan kung sino ang may kailangan.

Kaya nga masinsin ang aking pagbabantay sa 3rd generation para magpatuloy sila sa tradisyon ng pagkakaisa at pagtutulungan upang maipasa sa mga susunod na henerasyon kahit mga debdol na kaming mga nasa 2nd gen.

Bukod siyempre sa isyu ng nakatapos sa pag-aaral, kailangan mo ring bantayan ang magiging kabuhayan ng sumunod na henerasyon sa iyo. Hindi na rin kasi magiging katanggap-tanggap na bababalik sa 1st generation na “from hand to mouth” ang existence, walang pagkakaisa at walang pakialam sa isa’t isa.

Marami rin sa 1st gen namin ay hindi naman nakatapos ng pag-aaral kaya siguro kapos din sa kabuhayan.

Edukasyon lang talaga ang susi para maputol ang kadena ng kahirapan at may isang magtitimon para sa kaayusan at pagkakaisa ng angkan.

Kapag pinag-aaralan ko ang buhay ng mga Sy, mga Gokongwei, Consunji, mga Ayala at ng iba pang mga prominenteng pamilya, ang nakikita kong pagkakatulad nila ay hindi nawawala ang disiplina at pagkakaisa sa pamilya. Palagi silang nakabantay sa next generation, palagi nilang tinitiyak na may magpapatuloy ng legasiyang maiiwanan ng kanilang mga magulang.

Wala man tayong maipapamanang business empire or mala-yaman na katulad nila, ang importante talaga ay may maiwanan ka sa kanilang direksiyon ng buhay. Aaminin ko, kahit lupa sa paso ay wala akong namana maliban sa nakapagtapos ako ng pag-aaral bilang AB Communications graduate sa Lyceum.

Kaya sa mga kabataang binabalewala ang edukasyon, habang maaga at habang mga bata pa kayo ay matutunan nyong gumuhit ng direksiyon sa inyong pag-aaral. Totoong may mga nagtatagumpay na hindi nakatapos sa pag-aaral pero napakadalang nyan.

Lalo na ngayon, mahigpit ang tagisan ng mga aplikasyon sa maliit man o malalaking kompanya. Lamang talaga ang nakagraduate sa kolehiyo. Huwag kayong makutento sa K12 graduation dahil hgh school graduate pa rin ang tingin diyan ng mga kompanya. Tapusinpa rin ang kolehiyo.

Iba pa rin kasi iyong nakapagtapos ng pag-aaral dahil para kang sundalo na kahit saan isabak ay makakalaban. Masyado nang matindi ang kompetisyon ng mundo dahil para na itong isang malawak na karagatan na may matinding pag-alon. Kaya kung hindi ka makakatapos ng pag-aaral, para kang nasa gitna ng maalong dagat na wala ka na ngang salbabida, hindi ka pa marunong lumangoy.

Huwag nyong sayangin ang pagkakataong makapagtapos, lalo na iyong mga kayang pag-aralin ng kanilang mga magulang. Marami tayong mga kabataan na gustung-gustong mag-aral pero hindi kinakayang pag-aralin ng pamilya kaya pag may tiyansa, aral nang aral bata!

allanpunglo@gmail.com