Pagpupugay kay Ambassador Chito Sta. Romana

April 21, 2022 Paul M. Gutierrez 97 views

PaulNITONG Lunes, Abril 18, 2022, pumanaw ang isa sa pinakanatatanging public servant na mayroon ang ating bansa na si Philippine Ambassador to China Jose Sanatiago “Chito” Sta. Romana.

Natatangi dahil sadyang naging makulay ang kaniyang naging buhay bilang isang aktibistabg estudyante bago ang deklarasyon nang Martial Law at nagtapos sa pagiging isang lingkod-bayan bilang ating kinatawan sa China.

Sa aking column noong Miyerkules, “pinarangalan” na natin si “Amba” subalit pabayaan ninyong purihin natin ulit siya sa ikalawang pagkakataon.

Naging malaking instrumento si Sta. Romana sa mabuting relasyon na mayroon ang Pilipinas at China. Ang magandang relasyong ito ay hindi lamang ngayong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte kundi isang mahabang kasaysayan ng kaniyang pamamalagi sa China.

Mula nang sila ay mapunta at ‘ma-stranded’ sa China nang ideklara ang batas militar noong 1972 (bahagi siya ng mga kabataang Pilipino sa delegasyon ng China Friendship Association), napilitan si Amba na doon na manirahan, nag-aral at pagkaraan ay naging correspondent at paglaon ay ABC News Beijing bureau chief.

Sadyang mahaba pa ang kaniyang naging karera at makulay na buhay hindi lamang bilang mamamahayag kundi maging isang public servant at hindi ito magkakasya sa espasyong ito ng People’s Tonight.

Nagretiro siya noong 2010 pero dahil sa kaniyang angking husay, kredibilidad at “nakapakalalim” na pag-unawa sa Tsina, itinalaga siya ni Pangulong Duterte bilang Ambassador sa China hanggang sa pagpanaw niya. Ito, sa ganang atin, ang isa sa ‘best decisions’ na ginawa ni Pang. Digong.

Bilang ambassador kaniyang tiniyak ang kapakanan ng mga Pilipino sa China lalo na ang mga overseas Filipino workers doon.

Maging ang tensiyon at mga isyu sa South China Sea ay nakatulong si Sta. Romana upang mapahupa ang emosyon at tensyon ng mga mamamayan at magkaroon ng maayos na usapan upang resolbahin ang mga usapin sa teritoryo nang mapayapa.

Kaya naman kinilala ng Malakanyang at Department of Foreign Affairs (DFA) ang kaniyang naging serbisyo sa bansa at isa siyang tunay na malaking kawalan sa serbisyo.

Masasabi nating “iba” marahil ang relasyon ng Pilipinas at China kung wala si Sta. Romana bilang isang mahalagang instrumento sa mabuting relasyon ng dalawang bansa.

Kaya naman maging ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) ay ikinalungkot ang kaniyang pagpanaw at kinilala ang kaniyang naging kontribusyon sa magandang relasyon ng mga Pilipino at Chinese sa Pilipinas at sa China.

Kaya naman po ang inyong lingkod, bilang isang kaibigan ni Ambassador Sta. Romano o Chito sa kanilang mga kasamahan at kaibigan, ay talaga naman pong ikinalulungkot ang kaniyang pagpanaw at kasabay nito ay ang pagpupugay sa kaniyang naging makulay at makasaysayang buhay.

Kaya po, ang inyong lingkod, kasama ang buong National Press Club ay tuos pusong nakikidalamhati sa kaniyang pamilya.

MABUHAY KA, AMBASSADOR CHITO STA. ROMANA!

AUTHOR PROFILE