Pagpatay sa Korean national lutas na

December 4, 2022 Edd Reyes 149 views

NALUTAS na ng pulisya ang nangyaring pagpatay sa isang Korean national noong Biyernes ng madaling araw sa Pasay City.

Ito’y matapos madakip ng mga tauhan ng Pasay police ang mga suspek na sina Jerome Caratao at Prince Eleazar Tupas na kapuwa nahagip sa kuha ng close circuit television (CCTV) camera sa pinangyarihan ng pamamaslang sa harapan ng Lacson Residence sa service road ng Roxas Blvd, dakong alas-4:23 ng madaling araw.

Sa isinumiteng ulat ni Pasay Police Chief P/Col. Byron Tabernilla kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Jonnel Estomo, una nilang nadakip si Caratao sa Primero de Mayo sa Brgy. 90 Biyernes ng hapon matapos ang isinagawang follow-up operation.

Dakong 3:20 a.m. ng Sabado nang matunton at tuluyang madakip si Tupas sa Brgy. Pulo, Landayan, San Pedro, Laguna na kanyang pinagtaguan makaraan ang isinagawang pamamaslang.

Pagnanakaw ang motibo ng krimen matapos holdapin ng mga suspek ang biktimang si Lee Seung Hoon, 45, habang naglalakad sa service road ng Roxas Blvd.

Pumalag at tinangkang manlaban ng biktima nang magdeklara ng holdap ang mga salarin kaya siya binaril ng mga suspek na mabilis na tumakas sakay ng isang tricycle patungo sa gawi ng Willam Street.

Pinapurihan naman ni BGen. Estomo ang mga tauhan ng Pasay police sa mabilis nilang pagresolba sa kaso.

Kasong robbery with homicide na walang inirerekomendang piyansa ang isinampang kaso ng pulisya laban sa mga suspect sa piskalya ng Pasay City.

AUTHOR PROFILE