Default Thumbnail

Pagpapaunlad ng Wikang Filipino nais ni PBBM

August 2, 2022 Paul M. Gutierrez 567 views

PaulNAKIISA si Pangulong Bong Bong Marcos (PBBM) sa pagdiriwang ngayon Buwan ng Wika at hinikayat ang mga Pilipino makibahagi sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino. Ito aniya ay upang lumihis tayo sa kaisipan na wikang Ingles lang siyang pamantayan o standard ng pagiging matalino.

Talagang napapanahon na mapag-usapan ang ating wika ngayon hindi lamang dahil Buwan ng Wika ngayon kundi talagang may pangangailangan na tignan na rin natin ang pagpapaunlad ng ating wika.

Tama si PBBM, kailangang magkaroon na tayo ng direksyon para maintelektuwalisa o mapaunlad ang ating wika at magkaroon ito ng puwang sa matataas na antas ng usapin sa lipunan.

Napangunahan na rin ito ni Senator Robin Padilla na ngayon ay nagsusulong ng panukalang batas upang mabigyan ng pantay gamit at halaga ang wikang Filipino partikular sa mga opisina ng gobyerno.

Hindi ito dahil mahina siya sa wikang Ingles o hindi marunong mag-Ingles kundi ito po ang reyalidad ng ating bansa sa ngayon. Marami pa rin po ang nahihirapang makaunawa sa wikang Ingles.

Halos lahat ng mga dokumento sa gobyerno ay nasa wikang Ingles. Kung simpleng magsasaka ka lamang o di kaya’y nagtitinda sa palengke at kakailanganin mo ng serbisyo ng gobyerno, pagpunta mo sa mga opisina ay hindi mo maintindihan ang mga dokumento.

Habang sa mga pagdinig sa Senado at Kongreso, nagpapaingayan ang mga politiko sa mga usaping pambayan na hindi naman naiintindihan ng mga ordinaryong mga tao.

Sa ganitong reyalidad nawawala sa eksena o nahihiwalay ang mga ordinaryong mga mamamayan sa mga usaping nakakaapekto sa kanila.

Noong makapanayam natin si Prop. Marvin Lai mula sa Kagarawan ng Filipinolohiya ng Polytechnic University of the Philippines sa Meet the Press Report to the Nation ng NPC, kaniyang nabanggit na kung gagamitin ang wikang Filipino sa iba’t ibang ahensiya, o yung utilization nito, mas maraming development ang maaaring mangyari.

Dahil mailalapat ng akademya kaniyang talino sa pamamagitan ng pagsasalin ng kaalaman sa mga ordinaryong mga tao gamit ang wikang higit nilang nagagamit at nauunawaan.

Ito ang mga reyalidad na maaari nating muling pag-isipan pagdating sa usapin ng ating wika. Pilit nating pinipilit ang wikang Ingles sa lahat ng larangan ng ating buhay samantalang nasa wikang Filipino pa rin tayo lahat nag-uusap-usap.

Dagdag pa ni Prop. Lai, kung titignan ang karanasan ng ibang mga bansa, umunlad sila gamit ang kanilang sariling mga wika. Mataas ang kanilang mga performance sa mathematics at science gamit ang sarili nilang mga wika.

Paano nila nagawa ito? Simple lamang dahil may pagpapahalaga sila sa kanilang sariling wika. Kapag mahalaga sa iyo ang wika mo, gagawa ka ng paraan para mapaunlad ito.

Parang anak mo na pinagpag-aral mo para tumalino. Inilalabas mo at hinahayaang mapunta sa mga lugar na gusto niyang puntahan kung saan siya uunlad. Ganoon din tayo sa wika.

Hindi rin naman ibig sabihin na habang pinapaunlad mo ang wikang Filipino ay kailangang kalimutan mo nang mag-aral ng Ingles. Sabi nga rin ni Prop. Lai, hindi antipatiko o hindi naman magkakontra ang dalawang wika.

Parang mayroon kang dalawang anak, hindi naman pwedeng isa lang ang pag-aaralin o papakainin mo. Dapat pareho mo silang pinapahalagahan.

Kaya naman, isang malaking pagtaas ng moral para sa mga nagsusulong ng kahalagahan ng wikang Filipino ang naging pahayag ngayon ni PBBM sa selebrasyon ng Buwan ng Wika.

Magandang masimulan muli ang mga usapin tungkol sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Hindi naman tayo nagkaroon ng pambansang wika para lamang maging palamuti.

AUTHOR PROFILE