Undas Patuloy ang ginagawang pagbabantay ng mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) ang loob at labas ng mga sementeryo sa pamumuno ni MPD Chief Andre P. Dizon sa Manila North at South Cemetery bilang paghahanda sa papalapit na Undas. Kuha ni Jon-jon Reyes

Paglilinis sa puntod sa mga sementeryo ng Maynila, bawal na

October 26, 2022 Jonjon Reyes 531 views

MAHIGPIT na ipinatupad ng pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) at sa iba pang nasasakupan ng Lungsod ng Maynila ang pagbabawal ng paglilinis ng mga puntod o sa buong sementeryo, simula Miyerkules, Oktubre 26, 2022.

Bahagyang nagkaroon ng tensiyon sa main gate ng Manila North Cemetery dahil sa pagkadismaya ng mga ilang tao na magtutungo sa loob ng sementeryo makaraang ipagbawal na ang paglilinis, pagpipintura, at renobasyon ng mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Naging mahigpit ang inspeksyon ng mga tauhan ng pamunuan ng MNC nang harangin at ipagbawal na makapasok ang anumang gamit matutulis, mga itak, at mga gamit panglinis at pintura na bitbit ng mga taong nais makapasok.

Tanging mga indibidwal na dadalaw para magdasal at makikilibing lamang ang pinayagang makapasok sa sementeryo.

Nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang kaanak ng mga nakalibing lalo na ang galing pa sa malalayong lugar sa pagbabawal na ito sa kabila na matagal na itong inanunsyo ng pamunuan ng sementeryo.

Ang iba naman ay naunawaan ang polisiya lalo na ang mga may inaarkilang caretaker ng mga puntod ng mga kaanak.

Humingi ng pang-unawa ang pamunuan ng MNC para maaga umanong ma-organisa ang sementeryo bago ang inaasahang buhos ng mga gugunita ng Undas mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.

“Hanggang October 25 lang po talaga maglinis, bukod dito wala na po kaya po hinaharang namin sila sa gate,” pahayag ni Elmer Quintos, Officer-in-Charge ng MNC Security.

Samantala, nanawagan naman ang pamunuan ng Manila South Cemetery (MSC) sa mga maagang dumadalaw sa kanilang mga namayapa na hindi nila pinapayagan ang “overnight stay” sa sementeryo.

Sinabi ni Vangie Kalingking, MSC admin staff, na magbubukas ang kanilang gate ng alas-5 ng madaling araw at magsasara ng alas-5 ng hapon kung kailan dapat lumabas na ang lahat ng bumibisita sa mga namayapa nila.

AUTHOR PROFILE