Robin Dumalo si National Press Club (NPC) President Lydia Bueno at NPC Secretary Paul Gutierrez sa pag dinig ng Senado kaugnay ng talamak na “fake news.” Pinangunahan ni Senador Robinhood Padilla, Committee Chairman on Public Information and Mass Media ang pagdinig sa usaping ito na dinaluhan din ng iba’t ibang miyembro ng media.

Paglaban sa fake news sinusulong ng Senado

December 1, 2022 Paul M. Gutierrez 642 views

PaulMAINIT na pinag-usapan sa pagdinig sa Senado ang paglaban sa fake news sa layuning magkaroon ng “inter-agency” na pagtugon laban dito. Alam naman ng lahat na talagang malaking problema ngayon ang pagkalat ng fake news sa ating panahon at ito ang nais masolusyunan ng Senado.

Hindi naging simpleng problema ang kinakaharap natin pagdating sa fake news kaya nga umabot na ito sa Senado para malaman kung saan nga ba nagmumula ang problema.

Ang totoo, gaya ng sinabi ni Senator Win Gatchalian, walang bansa ang nakapagresolba ng problema sa fake news. Laganap na laganap ito sa buong mundo at dito sa Pilipinas. Dahil na rin sa Internet na totoong nabago kung paano nakakakuha ng impormasyon ang mga tao.

Ibang-iba na kasi talaga noon na kapag balita, sa radyo, dyaryo at telebisyon lamang nakakakuha ng impormasyon ang mga tao at masasabi nating dumadaan ito sa tinatawag nating journalism process. Nandoon na nakabantay ang mga editor para matiyak na tama at verified ang impormasyon na inilalabas.

Sa ngayon, dahil sa Internet at social media, lahat na lamang ay may kakayanan na tumanggap at “gumawa” ng balita anumang oras. Diyan na po pumapasok ang mga vlogger at blogger na ang alam lamang ay bumanat nang bumanat na dahil sa politika ang pinag-uusapan ay journalist na ang turing sa sarili.

Dahil na rin po ito sa usapin ng pera o kinikita. Kapag marami kang views o marami kang followers tiyak ang pagkakaroon mo ng kita sa mga ito kahit na hindi tama ang impormasyon sinasabi o “ibinabalita”.

At gaya po nang problemang kinakaharap po natin sa Pilipinas, naririyan ang mga troll ng mga politiko o mga makakapangyarihang tao na gumagawa at nagpapakalat ng maling impormasyon para sa kanilang sariling interes. Laganap po ito sa social media at ang nakakatakot ito ay ang bilis nilang magpakalat ng maling impormasyon.

Gayundin lumalabas din sa pagdinig sa Senado na marami na rin po talaga ang tiwali sa media. Ginawa na pong negosyo at hindi na serbisyo. Napakadali para sa mga nasa media na makorap dahil na rin sa pera dahil po sa baba na rin ng mga sinusuweldo ng mga ito. Mas madaling pera na ang magpagamit sa politiko o sinomang nasa kapangyarihan para magpagkalat ng fake news.

Dahil nakikita nila ito na ginagawa ng mga lehitimong media, may mga tao naman na gustong maging media, magkakaroon ng block-time sa radyo o di kaya ay magtatayo ng dyaryo, media na agad sila. Pero wala namang kaalam-alam sa kahalagahan at responsibilidad ng propesyon. Sa madaling salita ng media, hao-shiao.

Ito po ang mga napapatay at nakakasuhan pagdating sa gipitan. Sila po ang binabalikan ng kanilang mga nasasagasaan.

Kaya sa National Press Club po ay malinaw po ang aming tindig na bawal po maging miyembro ang mga vlogger o blogger. Hindi po sila maituturing na media sa Pilipinas. Kung sasang-ayunan po natin ang posisyon ni Senator Raffy Tulfo na magkaroon ng decriminalization sa libel ay hindi dapat po sila kasali dito.

Kung magkakaroon po ng pag-amyenda ay maganda po talagang magkaroon ng depinisyon kung sino ang maituturing na media practitioner at kung ano talaga ang depinisyon ng fake news. Dahil dito po tayo magkakaroon ng problema.

Dahil sa totoo lamang kahit na ang mga itinuturing nating legitimate media ay may mga practitioner din o journalist na nagpapagamit sa politiko o may kapangyarihan. Kaya isa pang magandang punto na lumabas sa pagdinig sa Senado ay hindi lamang dapat ang nagpapakalat ng fake news ang makasuhan kundi maging ang mga nasa likod nito.

Pero alam natin na mahirap itong malaman lalo na ang mga troll na walang lehitimong pangalan sa mga social media.

Kaya masasabi nating hindi madaling trabaho ang gagawin ng Senado para sa fake news. Masalimuot na usapin ito na kailangang mabusising pag-aralan. Hindi sasapat ang isang pagdinig para marinig ang lahat ng panig at mga mahahalagang punto kaugnay nito.

Ang maganda lamang nating nakikita ngayon ay nagkakaroon na ng linaw na may nais na tayong direksiyon para masolusyunan ang fake news sa bansa.

Kaya naman nakahanda lagi ang NPC kung muling maiimbitahan sa mga ganitong pagdinig na may kinalaman sa media.

AUTHOR PROFILE