Dongyan

Pagkilala ng Senado sa blockbuster success ng ‘Rewind,’ malaking hakbang

February 24, 2024 Eugene E. Asis 135 views

Dongyan1NOON pa humihingi ng tulong ang movie industry sa gobyerno. Dahil sa maraming sagabal, tulad ng film piracy, malayang pagpasok ng mga malalaking banyagang pelikula, mataas na buwis at iba pa, napag-iwanan na ang Philippine movie industry ng mga karatig-bansa sa Asya, lalo na ng South Korea na buung-buo ang suporta ng gobyerno.

Kamakailan, binigyang pagkilala ng Senado ang mga artista at buong production team sa likod ng Philippines’ highest-grossing film na “Rewind,” na mapapanood na rin sa Netflix simula Marso 25.

Isinaad ni Sen. Robin Padilla sa Senate Resolution No. 909 kung saan pinuri niya mga artista at ang buong production team sa likod ng hit movie.

“This achievement is a testament to the return of a vibrant and flourishing Philippine film industry – attributed to the hard work and commitment of artists, writers, directors, and all members of the production teams,” sabi niya.

Tinanggap nina Dingdong Dantes, Marian Rivera, direk Mae Cruz Alviar, Kris Gazmen and Marizel Martinez ng Star Cinema, Jojo Oconer and Michael Tuviera of APT Entertainment ang kopya ng Senate Resolution No. 909 noong Lunes.

“Dingdong Dantes and Marian Rivera-Dantes serve as inspiration, not only as artists on screen but also as one of the inspiring couple celebrities championing family values, entrepreneurship, and philanthropic deeds to help our fellow countrymen,” nakasaad sa Senate Resolution.

Para kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, maraming aral ang mapupulot sa kwento at itinuturo rin nito ang kahalagahan ng pagmamahal araw-araw.

“Ipinaalala po ng mga eksena sa pelikula na walang rewind button ang buhay kaya po dapat sikapin pong ipadama araw-araw ang pagmamahal at pagpapahalaga sa ating pamilya at sa kapwa,” pahayag niya.

Dahil sa success ng “Rewind” malaki ang tiwala ni Sen.Risa Hontiveros na magtutuloy tuloy pa ang sigla ng industriya at sining sa bansa.

“Nais kong magpugay sa kanila at higit doon nais kong ipahayag ang taos-pusong pasasalamat sa isang bagong pag asang ibinigay kahit sa ating mga manonood na Pilipino sa kinabukasan ng sining at kultura dito sa ating bansa,” sabi niya.

Ang mga salita ng mga Senador ay tila inspirasyon para sa industriya ng pelikula. Kung tutuusin, maliit na hakbang pero kung magtutuluy-tuloy ang ganitong senaryo, may posibilidad pa ring makahabol tayo kung hindi man manguna bilang mahuhusay na filmmakers sa bahaging ito ng mundo.

AUTHOR PROFILE