Default Thumbnail

‘Pagkakaisa at pang-unawa’

September 9, 2021 Paul M. Gutierrez 499 views

PaulUMAPELA si PNP Chief Guillermo Eleazar sa publiko para sa pagkakaisa at pang-unawa ng publiko dahil sa pabago-bagong estado ng ‘lockdown’ partikular na sa Metro Manila. Nauunawaan natin ang malaking kaguluhan— at pagkainis ng publiko– kapag pabago-bago ang pahayag ng gobyerno dahil talaga namang hindi iyon nakakatuwa.

Unang idineklara na isasailalim ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) pero binawi ito agad at muling isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Setyembre 15.

Hindi natin masisisi ang publiko sa pagkainis na mahigit isang taon nang nasa lockdown at ang karamihan ay di sapat ang nakukuhang tulong.

Sino ba naman ang hindi maghahanap ng kagagalitan kung kumakalam ang sikmura?

Pero hindi isang madaling problema ang pagharap sa pandemya dahil marami ang isinasaalang-alang.

Makikita natin na gustung-gustong luwagan ang galaw ng mga tao at negosyo para sa ekonomiya.

Pero dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 dahil na rin sa bagong Delta variant na mas mabilis makapanghawa, idagdag pa natin ang kakulangan pa ng bakuna talaga namang hindi madaling makapagdesisyon.

Isama pa natin ang bugbog na kalagayan ng ating mga ospital na mula nang dumating ang pandemya ay talaga namang naging kawawa ang kalagayan ng ating mga medical frontliners.

Nakakasiguro tayo na hindi gusto ng gobyerno na ilagay tayo sa mas mahabang lockdown dahil unang-una ay hirap ang ating ekonomiya kapag ganito. At syempre, sa gobyerno ang takbo ng mga tao para sa ayuda.

Kaya naman tama ang pakiusap ni PNP Chief Eleazar sa publiko na ang kailangan natin ngayon ay pagkakaisa at pang-unawa.

Dahil sa huli, ang pagtutulungan natin ang siyang makakatulong sa isa’t isa. Kailangan nating maunawaan ang kabuuan ng sitwasyon dahil nauunawaan ng gobyerno ang kalam ng sikmura ng publiko at kritikal na kalagayan ng ating ekonomiya gayundin ang ating serbisyong pangkalusugan.

May mga bagay talaga na wala sa kontrol ng lahat gaya ng pagdating ng mga bagong variant at kakulangan pa ng bakuna hindi lamang sa bansa natin kundi sa buong mundo.

Kung ang mga mayayamang bansa nga ay hindi pa nila nababakunahan ang mayorya ng kanilang populasyon, lalo na syempre ang mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas.

Ang totoong kalaban ngayon ay ang pandemya at ang pagtutulungan at pagkakaisa natin ang tanging makakatulong sa atin sa laban na ito.

Ang mahalaga ngayon ay may nakikita tayong pag-asa kahit na gaano kabagal ang dating ng bakuna. Makakarating din tayo sa nais natin na mabakunahan ang mayorya ng mga Pilipino.

AUTHOR PROFILE