Default Thumbnail

Pagkakaibigan ng Pilipinas at Amerika lalong tumibay

September 25, 2022 Vic Reyes 1047 views

Vic ReyesNAGKAKAISA ang marami nating kababayan sa paniniwalang lalo pang tumibay ang pagkakaibigan ng Pilipinas at Estados Unidos pagkatapos na bumisita sa US si Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Ito ay isang magandang balita dahil sa totoo lang, napakaraming Pilipino pa ang gustong umalis ng Pilipinas para manirahan o magtrabaho sa “Land of Milk and Honey.”

Sa kasalukuyan, mahigit apat na milyon ang mga kababayan nating naninirahan sa Estados Unidos, habang 300,000 Amerikano naman ang nakatira ngayon sa Pilipinas.

Mabunga ang working visit ni Pangulong Marcos sa Estados Unidos.

Sa kanyang pakikipag-usap kay US President Joe Biden, tiniyak ni Pangulong Marcos na mananatiling kaibigan, kaalyado at kasosyo ng mga Pilipino ang mga Amerikano.

“We are your partners, we are your allies, we are your friends. And in like fashion, we have always considered the United States our partner, our ally and our friend,” ani Marcos.

Sinabi naman ni Presidente Biden na talagang “may malalim na ugat” na ang US-PH relations.

“Our foundations are strong with the US-Philippine alliance which has critical importance. For decades, our alliance has strengthened both of us,”sabi pa ni Biden.

Huwag natin kalimutan na marami tayong kababayan na nagsisilbi ngayon sa US Air Force, Navy at Army. At nandiyan din ang mga nagtatrabaho sa iba pang kumpanya sa Amerika.

Welcome back, President Bongbong Marcos and Party.

***

Sa Sabado ay Oktubre na, ang pangalawa sa apat na “BER” months ng taon.

Ang ibig sabihin nito ay mayroon na lang tatlong buwan (October, November at December) ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BOC) para magpakitang gilas.

Sa taong ito kasi ay marami ang naniniwala na kayang-kaya ng mga tauhan ni BOC chief Yogi Filemon Ruiz na irehistro ang pinakamataas nitong yearly tax collection sa kasaysayan.

Mula Enero hanggang Agosto 2022 ay umabot na ng P559.2 bilyon ang nakolektang buwis at taripa ng BoC, ang pangalawang pinakamalaking tax collection agency ng gobyerno.

Base sa gumagandang tax collection performance ng mga taga-BOC, hindi lang nila maaabot ang ng target collection na P679 bilyon kundi malalampasan pa ito.

Matatandaan na nagbabala noon si Ruiz na tatanggalin niya sa puwesto ang sinumang district collector na hindi makakamit ang kanyang monthly assigned tax collection.

At noong ngang nakaraang buwan ng Agosto, lahat ng 17 district collectors ng ahensya ay nagawang lampasan ang kani-kanilang collection target.

Inaasahang tuloy-tuloy hanggang katapusan ng taon ang magandang performance ng mga opisyal at tauhan ni Commissioner Ruiz, isang dating “illegal drug buster.”

Sa susunod na taon (2023), ang BoC ay naatasang mangolekta ng P765.59 bilyon na buwis.

Kayang-kaya ito nina Commissioner Yogi Filemon Ruiz. Hindi ba, Finance Secretary Benjamin Diokno?

***

Dapat tutukan ng gobyerno, sa pamamagitan ng concerned offices and agencies, ang pagsipa ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang pagkain.

Hindi puwedeng mamayagpag ang mga walang pusong negosyante, lalo na’t marami pa sa ating mga kababayan ang walang trabaho.

Panahon na para hulihin, idemanda at ikulong ang mga profiteer at hoarder para maging babala sa iba pang erring traders na walang ginawa kundi magpayaman.

Hindi puwedeng multa lang ang ipapataw sa mga mapapatunayang profiteer at hoarder.

Hindi masama ang kumita pero huwag naman iyong mistulang pinapatay mo na sa gutom ang mga mahihirap dahil hindi na nila kayang bilhin ang mga paninda sa merkado.

Parusahan din ang mga lingkod-bayan na walang ginagawa para hulihin ang mga mapagsamantalang negosyante.

Gumising naman kayo dahil talagang hirap na hirap na ang taumbayan dulot ng kawalan ng trabaho at kataasan ng presyo ng bilihin at serbisyo sa buong bansa.

Hindi ba, Vice President Sara Z. Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE