Isko

Pagkain ng tira-tira, binalikan ni Yorme Isko

November 27, 2021 Vinia Vivar 594 views

Matindi rin ang mga hirap na dinaanan sa buhay ni Manila Mayor and Presidential aspirant Isko “Yorme” Moreno bago niya narating ang kinatatayuan ngayon.

Well, hindi naman niya ikinakaila noon pa na dati siyang basurero at talagang hirap na hirap sila sa buhay noong bata pa siya.

Ang lahat ng struggles ni Yorme noong kabataan niya hanggang sa pumasok na siya sa pulitika ay mapapanood sa musical film na Yorme: The Isko Domagoso Story directed by Joven Tan under Saranggola Media Productions and Viva Films.

Nang mapanood nga raw ni Yorme ang kabuuan ng pelikula ay hindi niya napigilang maging emosyonal dahil muli niyang naalala ang mga hirap na kanyang pinagdaanan.

Sey nga niya sa mediacon na ginanap last Friday, kahit siya ay hindi rin akalaing malalampasan niya ang lahat ng dinaanan niya na grabeng hirap.

At isa na nga sa mga hindi niya makakalimutan noon ay ang pagkain ng tira ng ibang tao na nasa basurahan na.

Maging siya ay hindi nga makapaniwala na kinaya niya ‘yun.

Aniya, “Kaya palang kainin ng isang tao ang tira ng tao sa basurahan, mabuhay lang, mabusog lang.”

Aniya pa, “Kayo na nandidito, marahil you also have struggles in life but come to think of it, I don’t think any of you here experienced ‘yung kumain ng tira ng tao sa basurahan.

“Parang ’pag titingnan mo siya, ‘oo nga, no? Nagawa ko pala ‘yun. Nangyari pala ‘yun. So, para kang nananaginip pero ‘yung bangungot ng buhay ay ‘yun palang reyalidad ng nakaraan mo. So, it touches my heart.”

Kaya naman todo pasasalamat talaga si Yorme sa yumaong star builder na si Kuya Germs dahil malaking bagay na inampon siya nito at talagang tinulungan na makaahon sa kahirapan.

Ang isa sa mga importanteng naituro ni Kuya Germs sa kanya ay ang pag-iipon o pagiging masinop sa buhay.

Natutuwa naman si Yorme sa pagbubukas ng mga sinehan at ang bio flick nga niya ang kauna-unahang Pinoy movie na magkakaroon ng theatrical release.

Ipalalabas na ang Yorme: The Isko Domagoso Story sa Dec. 1. Pinagbibidahan ito nina Raikko Mateo (bilang batang Isko), McCoy de Leon (teenager na Isko) at Xian Lim (present generation Isko).

Kasama rin sa movie ang mga dating kasamahan ni Isko sa dating sikat na youth-oriented show ni German “Kuya Germs” Moreno na That’s Entertainment.

May cameo role rito sina Bryle Mondejar, Jojo Abellana, Jennifer Mendoza, Jovit Moya, Manolet Rippol, Jojo Alejar, Lovely Rivero, Keempee de Leon, Ricky Rivero, Karen Timbol, Jeffrey Santos at Maricar de Mesa.

Kasama rin sina Tina Paner at Monching Gutierrez, Jestoni Alarcon at si Janno Gibbs bilang si Kuya Germs.

AUTHOR PROFILE