Paggamit ng AI sa hukuman suportado
SUPORTADO ni Sen. Grace Poe ang mga inisyatibo na gamitin ang teknolohiya ng artificial intelligence (AI) sa mga gawaing may kaugnayan sa hukuman, ngunit binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa mga tamang safeguards at mahigpit na pagsusuri.
“We will not rely too much on AI, but we can make use of the technology as an option to help check the human side of decisions, such as data, transcript and research information,” ayon kay Poe, chairperson ng Senate finance committee, sa ginanap na budget briefing ng hudikatura.
“When vetted thoroughly and strictly, AI can enhance the efficiency of our court systems,” dagdag pa niya.
Maaaring makatulong ang AI technology sa mga tauhan ng hukuman upang makagawa ng mas mabilis na transkripsyon, pananaliksik, at pag-double check ng mga nakaraang desisyon, batas, o precedent na maaaring gamitin sa paglutas ng mga kaso.
Sumang-ayon si Poe sa pahayag ni Supreme Court (SC) Associate Justice Mario Lopez na sa kabila ng pag-iral ng AI, ang hukuman ay nananatiling “not only a court of law, but a court of equity,” at idinagdag pa niya na “there is some humanity involved in the disposition of cases.”
“There are positives of employing AI, but in the end the humanitarian factor is always a consideration,” ani Poe.
Sinabi ni Court Administrator Raul Villanueva na nagsimula nang gamitin ng SC ang teknolohiya at kasalukuyan nang bumubuo ng mga kasangkapan upang makatulong sa mga tauhan ng hukuman tulad ng voice-to-text transcriptions habang nagpapatuloy ang testimonya, at transkripsyon ng mga testimonya sa ilang diyalekto.
Ang Hudikatura ay humihiling ng P63.57 bilyong budget para sa 2025. Kasama rito ang appropriations para sa SC, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals, at Presidential Electoral Tribunal.
Sa ginanap na budget briefing, pinuri ni Poe ang Hudikatura para sa mas mabilis na paglutas ng mga kaso sa buong bansa.
“We hope to have a legal landscape that will embrace technology responsibly for a more responsive and more accessible justice system for the Filipinos,” sabi ni Poe.