Default Thumbnail

Pagdiriwang ng ‘Araw ng Kalayaan’ mapayapa – MPD

June 12, 2023 Jonjon Reyes 666 views

NAGING mapayapa at maayos na tinapos ng mga nagkilos-protesta ang kanilang mga programa sa gitna ng pagdiriwang ng ika-125 taong anibersaryo ng “Araw ng Kalayaan” Lunes ng umaga, sa Lungsod ng Maynila.

Siniguro ni Manila Police District (MPD) director Police Brigadier General Andre P. Dizon ang seguridad katuwang ang 14 na station commanders sa pananatili ng kaayusan sa nasabing pagdiriwang ng anibersaryo ng kasarinlan ng bansa.

Ayon kay P/Maj. Philipp Ines, ng MPD Public Information Office (PIO), sinunod naman umano ng mga demonstrador na gawing mapayapa ang kanilang paghahayag ng saloobin at tinatayang nasa 50 indibidwal ang mga ito lulan ng mga pampasaherong jeepney na bumaba sa bandang T.M. Kalaw sa Ermita, alas-12 ng tanghali.

Dahil dito, umantabay ang buong puwersa ng District Mobile Force Batallion na pinamumunuan ni P/Col. Julius Añonuevo.

Bukod dito, nakaantabay naman ang mahigit isang libong tauhan ng MPD, simula pa nitong Linggo (Hunyo 11), na nagsagawa ng pagdiriwang sa Rizal Park at sa Metropolitan Theater sa Liwasang Bonifacio sa Arroceros, Ermita kahit naging maulan ang panahon.

Umaga nitong Lunes, nang dumalo at pinangunahan ang isang wreath-laying ceremony sa bantayog ni Dr. Jose P. Rizal sa Rizal Park ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. kasama ang ilang miyembro ng kanyang gabinete.

Una nang ipinabatid ng MPD director ang paghihigpit sa seguridad at paniniguro sa kaayusan sa pagdiriwang ng nasabing pambansang pagdiriwang.

Kasama rin dito ang pakiusap ni Dizon sa mga grupo na nagsagawa ng mga demonstrasyon sa “Independence Day” na tuparin ang napag-usapang oras at lugar na pagdarausan ng kanilang aktibidad upang hindi maging balakid sa mga motorista at publiko maging ang pag-vandalize sa mga iba’t-ibang lugar, pribado man o pampubliko.

AUTHOR PROFILE