Default Thumbnail

Pagdinig ng Senado sa anomalya sa Bureau of Immigration

March 23, 2023 Marlon Purification 842 views

Marlon PurificationNITONG nakalipas na Lunes ay itinulog ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon hinggil sa human trafficking activities sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan ay dinaluhan ng mga pinuno ng iba’t ibang ahensya na nakahimpil sa pambansang paliparan.

​Naging produktibo ang nangyaring diskusyon sa pangunguna ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino, at ang iba pang miyembro ng komite na sina Senators Grace Poe, Jinggoy Estrada at Ronald “Bato” Dela Rosa.

​Sinasaluduhan natin si Senator Tolentino sa kanyang pagiging “cool, calm and collected.” Lumabas ang kanyang expertise sa imbestigasyon kung saan napiga niya ng husto ang mga gusto niyang malaman sa partisipasyon and lapses ni Senior Immigration Officer Jeff Pinpin na iniugnay sa anomalya tungkol sa alegasyon ng human trafficking sa special flight noong February 13 sa Balabag Ramp ng NAIA.

​Bagaman patuloy itong itinanggi ni SIO Pinpin, malinaw naman na na-checkmate siya nang kuwestiyunin ang legalidad ng kanyang presensya sa lugar noong mga oras na yun. Ayon sa kanya, as early as February 9 ng kasalukuyang taon ay may “relieve order” na siyang natanggap mula kay Bureau of Immigration Commissioner Atty. Norman Tansingco.

​Lumalabas na “usurpation of official functions” ang kasong kahaharapin ni Sr. Immigration Officer Jeff Pinpin kung saan ayon kay Senador Tolentino ay mariing paglabag ito sa Article 177 of Revised Penal Code na may parusang prision correctional o pagkakakulong ng hindi bababa sa 6 na buwan hanggang 6 na taon.

​Sa mga pangyayari ay kahanga-hanga ang pagiging kalmado ni BI Commissioner Tansingco sa mga ibinatong tanong sa kanya ng mga senador ngunit mapapansin na tila dedma lang ito sa kasasadlakan ni Sr, IO Jeff Pinipin.

​Samantala, todo latag din sa naturang hearing ng kanyang plans and programs si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Cesar Chiong sa ikaa-ayos ng sistema sa NAIA. Kabilang sa kanyang early accomplishments ang pagpapa-tanggal sa initial x-ray screening upang maiwasan daw ang congestion ng mga pasahero sa airport gayundin upang maging maginhawa ang pagpasok ng mga departing passengers sa NAIA.

​Pattern daw ito sa international standards ng mga kasalukuyang airports sa ibang bansa gaya ng Singapore, Estados Unidos at iba pa. Minamadali rin daw ng kanyang opisina ang gawing exclusive for domestic flights ang NAIA Terminal 2 upang ang concentration ng international flights ay pawang sa Terminal 1 and Terminal 3 na lamang.

Samantala, may Marites tayong narinig na plano raw i-suggest ni GM Chiong na ipa-alis sa mga empleyado ng Customs Immigration and Quarantine (CIQ) ang mga “bulsa” sa kanilang uniporme?

​Isa raw ito sa magiging prevention or deterrent upang maiwasan na ang diskarte ng mga tiwaling empleyado sa airport. Kung i-isipin maganda naman ang hangarin ni GM Chiong maliban lang sa kung mag-agree kaya ang pamunuan ng CIQ na saklawan ang pamamalakad ng kanilang mga opisina?

​Baka naman kailangan may mag-orient kay GM Chiong na pawang stakeholders lang sa mga airports ang CIQ at hindi sakop ng kanyang kapangyarihan ang “mandate” ng tatlong ahensya?

​“Never step on someone’s toes,” sabi nga ng ating mga lolo at lola.

Alam kong maganda ang intensyon ni Chiong dito pero maganda ay idaan ito sa tamang proseso.

Umaasa tayong sa mga susunod na pagdinig ay magkaroon na ng magandang resulta para masawata ang mga pasaway sa bureau of immigration.