Pagdami ng mga water lily, problema noon, kapakipakinabang ngayon
PROBLEMA noon pa man ng pambansa at lokal na pamahalaan ang mga baradong ilog, kanal, at iba pang daluyan ng tubig, hindi lang dahil sa basurang itinatapon ng mga walang disiplina kundi ang mabilis na pagdami ng mga water lily.
Sa Pasig River nga lang, magkatuwang na pinagtutuunan ng pansin at ginagastusan ng national at local government ang pag-aalis nito dahil nagpapadumi sa ilog at bumabara sa elisi ng mga passenger ferry boat na nagpapa-antala sa biyahe ng mga pasahero.
Pero dito sa Las Piñas City, ang dating peste at perhuwisyong water lily na minsang naging dahilan ng pagbabaha sa lungsod ang isa sa pinagkakakitaan ngayon ng maraming residente matapos nahanapan ng paraan ni Senator Cynthia Villar kung papaano ito panggagalinan ng kabuhayan ng kanyang mga kababayan kaya’t inilunsad taon-taon ang Water Lily Festival
Sa pagdiriwang ng ika-17 taon ng Water Lily Festival nitong Martes sa Villar Coliseum, ipinagpatuloy ng Senadora, katuwang ang kanyang mga anak na sina Sen. Mark at Congresswoman Camille ang kasiyahan, hindi lang para sa kabuhayan ng mga taga-Las Piñas kundi pagpapakita rin ng pagmamahal sa kapaligiran.
Binuhay din ang tagisan ng galing sa “Sayaw Kalikasan” ng mga kabataan mula sa 20-barangay at pagandahan ng kasuotan ng mga kababaihan na yari sa water lily bilang pagtataguyod sa lokal na produkto.
Sana, hindi lamang sa Las Piñas City isagawa ang ganitong layunin kundi sa iba pang mga lungsod at munisipalidad sa iba pang panig ng bansa na pineperhuwisyo ng water lily ang kanilang mga ilog para pakinabangan ang mga ito at maalagaan na rin ang kalikasan.
Laban ng mga tatakbong alkalde sa apat na lungsod, aabangan
KABILANG ang mga Lungsod ng Maynila, Malabon, Makati, at Las Piñas sa Metro Manila na tiyak na magiging kapana-panabik ang labanan ng mga tatakbong alkalde sa susunod na taon.
Magtatapos na kasi ang termino nina Mayor Abby Binay ng Makati at Mayor Imelda Aguilar ng Las Piñas at maugong ang balita na papalit si 2nd District Rep. Luis Campos, Jr. sa kanyang maybahay habang si Vice Mayor April Aguilar ang matunog na papalit sa kanyang ina.
Pero hindi magiging madali kay Rep. Campos na masungkit ang panalo dahil nagdeklara rin ang kanyang hipag na si Sen. Nancy Binay ng pagnanais maging mayor habang matunog ang pagtakbo ni Sen. Cynthia Villar bilang alkalde ng Las Piñas.
Aabangan din sa Malabon City ang pagnanais makabalik sa puwesto ni dating Mayor Lenlen Oreta habang pumupustura rin si Rep. Jaye Lacson-Noel kaya posibleng dalawa ang makakatunggali ni Mayor Jeannie Sandoval.
Dahil maganda naman ang ipinakikitang paglilingkod ni Mayor Sandoval, lamang na siya sa laban, bukod sa nakaupo pa sa posisyon.
Dito naman sa Maynila, malaki ang kalamangan ni dating Mayor Isko Moreno Domagoso sa isinagawang survey ng Octa Research noong buwan ng Hulyo nang magdeklara siya ng muling pagtakbo kumpara kay Mayor Honey Lacuna,
Pero kung malaki ang lamang ni Yorme Isko noong nakaraang buwan, tiyak na mag-iiba na ang ihip ng hangin dahil sumapi na sa Lakas-CMD, ang nangingibabaw na partidong pulitikal sa bansa, si Mayor Lacuna kaya tiyak na malaking suporta ang kanyang aanihin mula sa partido kaya kaabang-abang talaga ang kanilang pagtutunggali.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].