Pagbuhay sa ROTC suportado ni Bong Go
SUPORTADO ni Senator Christopher “Bong” Go ang muling pagbuhay sa Reserve Officers’ Training Corps sa mga paaralan sa pagsasabing ang mga reserbang yunit ng programa ay maaaring magkaroon ng malaking papel sa panahon ng bayanin kapag may kalamidad at iba pang sitwasyon ng krisis sa bansa.
Sinabi ni Go na kung kinakailangan, ang ROTC ay maaaring magamit sa anumang aksiyon upang suportahan ang mga regular na tropang militar na nakikibahagi sa mga operasyon sa panahon ng mga natural na kalamidad.
“Suportado ko na ibalik ang ROTC sa eskwelahan. Pero pag-usapan nating mabuti kung gawin ba natin itong mandatory… alam n’yo, (mahalaga maipaintindi ang) love of country,” ani Go.
“Mahal natin ang ating mga kababayan lalung-lalo na po sa panahon ng sakuna, disaster, may lindol, may sunog, may pagbaha. ‘Pag naka-training tayo through ROTC, makakatulong tayo, pwede tayong tawagin,” idinagdag ng senador.
Ginawa ni Go ang pahayag matapos iulat ng United Nations nitong linggo na sa kabila ng pagtaas ng catastrophic weather at natural disasters, kalahati ng mga bansa sa mundo ay kulang sa mga sopistikadong early warning systems na kinakailangan upang magligtas ng mga buhay.
Batay sa nakaraang assessment ng UN agencies para sa weather at disaster risk reduction, ang mga bansang may mahinang early warning systems ay 8 beses nakararanas ng disaster-related deaths kaysa sa mga may epektibong pananggalang.
Ang Pilipinas ay nakaposisyon sa kahabaan ng tinatawag na ‘Pacific Ring of Fire’, isang lugar kung saan ang mga lindol at aktibidad ng bulkan ay mas madalas kaysa sa ibang bahagi ng mundo.
Nakaharap din ang bansa sa Karagatang Pasipiko na naglalantad dito sa mataas na bilang ng mga bagyo at related weather disturbances taon-taon.
Binanggit ni Go na ang mga mag-aaral na nais maglingkod sa kanilang mga komunidad at bansa ay maaaring gawin ito sa pamamagitan ng paglahok sa ROTC.
“Marami po sa mga kababayan natin, ‘yung mga estudyante, mga bata na gusto rin kahit papaano na maka-contribute man lang, makatulong sa ating mga kababayan,” anang mambabatas.
Kaya naman hiniling ni Go sa gobyerno at sa mga pabor na ibalik ang ROTC sa mga paaralan ngunit maingat na isaalang-alang ang lahat ng mga opsyon, kasama na kung ito ay dapat na mandatory o opsyonal.
“Pag-aralan na lang natin kung gawin ba natin itong mandatory or voluntary, part ba siya ng curriculum o optional,” aniya.
Nanindigan si Go na ang pagsali sa ROTC ay isang magandang hakbang para sa mga kabataan upang makatulong sa kanilang bansa dahil ito ay magtuturo sa kanila ng disiplina at pagkamakabayan.
Ang ROTC ay dating kinakailangang kurso para sa mga lalaking mag-aaral sa kolehiyo ngunit ginawang opsyonal pagkatapos ng mga ulat ng mga iregularidad sa programa.
Sa kanyang unang State of the Nation Address, hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kongreso na gumawa at maghain ng panukalang muling bubuhay sa ROTC para sa lahat ng mag-aaral sa senior high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan.