Default Thumbnail

Pagbili ng P1.2-B na ICT infra para sa di pa gawang City Hall ng Pasig pinuna

August 6, 2024 People's Tonight 340 views

MALI umanong paggasta ng pondo ng bayan ang pagbili ng gamit pang-information and communication technology (ICT) para sa hindi pa naumpisahan na Pasig City Hall complex.

Pahayag ito ng isang opisyal ng Department of Information and Communications Technology na nagsabing mabilis ang pag-usad ng teknolohiya kaya ill-advised, o hindi tama, ang ngayon pa lamang ay i-procure na ang tinatawag na ICT items.

“Technology upgrades so often that what you buy now may not be useful after three or four years, particularly on both IT software and hardware,” pahayag ni Asec. Renato Paraiso, ang taga-pagsalita ng DICT.

Gayunman ay sinabi ni Paraiso na ang pwede nang bilhin bago magsimula ang konstruksiyon ay ang mga gamit na pang-abang sa installation ng ICT system kagaya ng cable provisions, switches at pull boxes, at mga telephone terminal cabinet.

Ang pahayag ng DICT official ay bilang reaksiyon sa mga ulat na ang P9.6 bilyong kontrata para sa kontrobersiyal na Pasig City Hall complex project ay naisabay na agad ang procurement ng ICT system na umabot ang halaga sa P1.242 bilyon.

Ayon sa ulat ay aabot sa apat o limang taon bago matapos ang kabuuang construction and development works ng 46,000 square meter na City Hall complex, na ini-award na noong Mayo 24, 2024 sa Philjaya construction firm.

Kabilang sa procurement list para sa networking and tech security system ng nasabing Pasig City Hall complex ay ang mga sumusunod:

<> Multi-Factor Authentication worth P104,885,370

<> AntiMalware worth P38,033,191

<> Next Generation Firewall worth P40,851,272

<> Domain Name System and Email securities worth P25,967,021 and P24,861,752, respectively

<> Network Access Control worth P25,751,844

<> Access Switces worth P114,028,114

<> Wireless Local Area Network worth P75,493,933

<> Software-Defined Wide Area Network worth P25,955,755

<> Data Center Network worth P47,355,899

Ayon sa taga-pagsalita ng DICT mas tama sanang nagsangguni sa kanilang ahensiya ang lokal na pamahalaan ng Pasig para sa tinatawag na Information System Strategic Plan (ISSP) upang magabayan ito sa wastong salansan ng modernong ICT system.

Kanyang ipinaliwanag na kahit walang oversight function ang DICT sa mga gobyernong lokal pero mandato nito ang tumulong sa mga LGU na kusang hihingi sa kanila ng gabay sa paglagay ng teknolohiyang pang-impormasyon at komunikasyon sa kani-kanilang mga opisina sa pamamagitan ng ISSP.

Binanggit ng naturang opisyal ang Joint Memorandum Circular No. 2024-01 (serye 2024) na naghikayat sa mga tanggapang nasyunal na pag-isahin ang kanilang mga IT system para sa mahusay at episyenteng serbisyo sa mamamayan.

Ang DICT ay co-convenor sa nasabing memorandum circular.

AUTHOR PROFILE