Pagbawal sa paliligo sa baha isinusulong ng DOH
HIHIKAYATIN ni Health Secretary Ted Herbosa ang mga local government unit na magpasa ng ordinansa na ipagbawal na ang paliligo sa baha.
Sa ambush interview sa Malakanyang, sinabi ni Herbosa na ito ay dahil sa tumataas ang kaso ng leptospirosis sa Pilipinas.
Sa ganitong paraan aniya, hindi na mahihirapan ang DOH na tugunan ang kaso ng leptospirosis gaya ng sitwasyon ngayon na ginagawang extension ng hospital ang mga basketball court para tugunan ang mga tinamaan ng naturang sakit.
Ayon kay Herbosa, apat katao ang namatay sa leptospirosis noong nakaraang dalawang araw lamang.
Maiiwasan naman aniya ang leptospirosis kung hindi maliligo sa baha. Nakukuha ang sakit sa ihi ng daga.
Magpapasaklolo na rin ang DOH sa Metro Manila Development Authority para ipagbawal ang paliligo sa baha.
Sa ngayon aniya, patuloy na tumataas ang kaso ng leptospirosis maging ang kaso ng dengue.
Hihikayatin din ni Herbosa ang MMDA na siguruhin na maayos na nakokolekta ang mga basura para hindi bahayan ng daga.