Pagbabalik ng OPSF isusulong ng TODA Partylist

January 20, 2022 Paul M. Gutierrez 117 views

PaulBAGO ang lahat, mainit munang pagbati sa ating mga kapatid sa Nueva Ecija Press Club, Inc. (NEPCI), sa kanilang matagumpay na ‘oath-taking’ na ginanap kahapon sa Cabanatuan City.

Isa ang NEPCI sa mga matibay na “haligi” ng National Press Club (NPC) sa mga provincial press corps sa buong bansa at natutuwa naman tayo sa patuloy nilang pagkilala sa NPC bilang “Kuya/Tatay” ng kanilang organisasyon.

At katulad ng “nakagawian,” wika nga, kahapon ay nagpunta tayo sa NEPCI bilang kanilang ‘Inducting Officer’ sa ating kapasidad naman bilang presidente ng NPC.

Katulad pa rin ng “nakagawian,” kasama natin sa biyahe si NPC Secretary Lydia Bueno at Treasurer Mina Navarro.

Sa pamunuan ng NEPCI, sa ilalim ng nagbalik nilang presidente, ang maganda nating “kapatid” na si Gina Magsanoc-Caling, mabuhay kayo!

***

Upang maiwasan ang matinding epekto ng biglaang pagtataas ng produktong petrolyo na talaga namang pabigat sa bulsa ng iba’t-ibang sektor ng tranportasyon kabilang na ang tricycle drivers at operators, isusulong ng TODA partylist ang pagbabalik ng oil price stabilization fund o OPSF.

Hindi rin maitatangging malaki ang epekto ng pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo sa pagtaas din ng presyo ng mga bilihin at maging pamasahe sa mga pampublikong sasakyan, kaya naman tila napapanahon na para sa TODA partylist na muling buhayin ang nabanggit na programa.

Nabuo at nagsimula ang OPSF sa termino ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa bisa ng Presidential Decree 1956 series of 1984 kung saan ang kita mula sa ipinataw na ad valorem tax sa mga produktong petrolyo ay inilagay sa isang special account sa general fund ng bansa.

Ang fund na ito na tinawag ngang OPSF ang siyang ginamit noong mga panahong iyon upang bayaran ang mga oil companies tuwing magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng langis at produktong petrolyo bilang epekto ng pagbabago sa palitan ng dolyar at mataas sa presyo nito sa world market. Dahil dito, hindi naipapasa sa publiko ang dagdag presyo ng mga nabanggit na produkto.

Para kay TODA partylist 1st nominee Rovin Andrew Feliciano, malaking tulong ito lalo na sa sektor ng tatlo gulong na hindi maitatangging hindi kalakihan ang kitang naiuuwi sa araw-araw na kailangan nilang pagkasyahin sa kabila ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.

Bilang isa sa mga prayoridad na inisyatibong isusulong ng TODA partylist, naniniwala si Feliciano na isa ang OPSF sa mga programang tunay na makapagpapagaang sa kasalukuyang kondisyon ng mga manggagawang nasa sektor ng tricycle operation sa bansa.

Isa rin sa bibigyang pansin ng TODA partylist ang pagtutulak ng pagkakaroon ng insurance policy ng mga tricycle drivers na madalas maging biktima ng aksidente sa kalsada. Sa kasamang palad nga, karamihan sa mga nasasawing tricycle drivers nang dahil sa aksidente habang pumapasada ay hindi insured at naiiwan ang kanilang pamilyang walang maasahang anumang halaga ng salapi.

Dahil sa unang pagkakataon pa lamang na mayroong kakatawan sa sektor ng tatlo gulong sa Kongreso. At kung sakaling “papalarin,” titiyakin ng TODA partylist na magkakaron ng boses ang sektor na ito sa pagbuo at pagpapatupad ng mga batas na tiyak na makaaapekto sa kanila. At sakaling maibalik ang OPSF, sambayanang Pilipino ang tiyak na makikinabang, tama ba, Boss Alvin Feliciano?

AUTHOR PROFILE