Sarahv

Pagbabalik-‘ASAP’ ni Sarah, nag-trending … nakatunganga at tulala lang kami — Maymay

December 11, 2022 Ian F. Fariñas 223 views

MAAGANG Pamasko ang tinanggap ng Popsters kahapon nang muli nilang mapanood nang live sa ASAP Natin ‘To stage ang idolong Popstar Royalty na si Sarah Geronimo matapos ang ilang taon ng pagbabakasyon.

Nag-trending nga ang pagkanta’t paghataw ni Sarah sa bagong edisyon ng Sarah G. Specials kung saan muli niyang ipinarinig ang bagong single na Dati Dati.

‘Kaaliw pa ang ginawang panggagaya nina Ogie Alcasid at Darren Espanto sa dance moves ng misis ni Matteo Guidicelli na ayon pa sa ibang ASAP co-hosts ay matagal na nilang ni-rehearse.

Pag-amin naman ni Maymay Entrata, nasa baba lang siya ng stage habang nagpe-perform si Sarah at talagang humanga raw siya nang husto sa Viva artist.

“Makikita mo kung gaano ka-professional si Miss Sarah G. at kung gaano siya ka-passionate talaga sa craft niya. Kasi sobrang tutok na tutok siya every step talaga at talagang nililinis niya ‘yung lahat ng kilos niya. Kaya nu’ng makita ko siya mag-perform mismo sa stage, andu’n kasi ako. Andu’n lang ako sa baba. talagang nakatunganga lang ako, nakatulala lang kami lahat. Parang siguro naiiyak sa tuwa, kasi nga bumalik na siya. Tapos kasi sobra pong na-miss siya ng ASAP family.”

Patuloy pa ni Maymay, “Grabe, walang kakupas-kupas! Mas lalong gumagaling si Miss Sarah G. Mas lalong lumalakas ‘yung dating niya, ‘yung charisma niya. Grabe talaga!

“Kasi masipag si Miss Sarah G. Alam mo talagang pinagsisikapan niya ‘yung… very approachable, very humble talaga. Sobra lang talaga kaming natutuwa. Sino ba naman ang hindi idol Miss Sarah G?”

Itinampok din sa ASAP kahapon ang bonggang biritan nina Asia’s Songbird Regine Velasquez at multimedia superstar Anne Curtis.

Nakisayaw at nakikaroling naman sa Christmas hits sina Erik Santos, Jolina Magdangal, Vina Morales, Nina, Maymay, Anji Salvacion, Alexa Ilacad, Fana, Karina Bautista, Vivoree, Edward Barber, Jameson Blake, Joao Constancia, Jin Macapagal at ang buong ASAP family kasama sina Robi Domingo at Luis Manzano.

Nagbaga ring muli ang dancefloor sa matinding dance craze hatawan ng dance royalty na si Kim Chiu at grand comeback ni Shaina Magdayao.

Bigay-todo pa rin ang mga kantahan tampok ang rockoustic session nina KD Estrada at Kice kasama sina Regine at Zsa Zsa Padilla; trio collab nina Darren, Klarisse de Guzman at Bamboo; at ang Christmas harana nina Gary Valenciano, Martin Nievera, Ogie, Kyla at Morissette.

Patuloy ding nadama ang simoy ng Pasko sa holiday biritan nina Gary, Martin, Zsa Zsa, Erik, Ogie at Regine kasabay sina Darren, Morrissette, Anji, Alexa, Laine, Jeremy G, Sheena Belarmino, Elha Nympha, Janine Berdin, Reiven Umali, JM Yosures, Khimo Gumatay, Sam Mangubat, Nyoy Volante at Jason Dy sa The Greatest Showdown.

Ang longest-running musical variety show sa bansa ay napapanood tuwing Linggo, 12 ng tanghali, sa Kapamilya Channel, Jeepney TV, A2Z at TV5 at sa online sa Kapamilya Online Live at iWantTFC at worldwide via TFC.

AUTHOR PROFILE