Pagbabakuna laban sa COVID ituloy pa rin!

April 2, 2022 People's Tonight 167 views

Adele GunigundoSA awa ng Diyos nakakakita na talaga tayo ng pag-asa na nakakaalpas na tayo sa kuko ng pandemya. Nasasabi natin ito dahil kahit sa kanya-kanyang lokalidad ay halos wala na tayong nababalitaan na nagkakasakit ng COVID-19. Hindi tulad ng dati na marami sa mga kapitbahay o kalugar ang talagang alam nating nagkasakit.

At ito’y dapat nating ipagpasalamat sa naging pagsisikap ng pamahalaan na mabakunahan ang mayorya sa atin.

Sa ngayon, may kabuuan nang 65,992,980 Pinoy ang fully vaccinated laban sa coronavirus disease (COVID-19). Sa bilang na ito, may 12,075,001 indibidwal na ang nakapagpa-booster.

Ayon sa huling datos mula sa National Covid-19 Vaccination dashboard, nakapagbakuna na sa Pilipinas ng kabuuang 142,489,795 dosis, kung saan 71,241,203 jabs ay nagsilbing first dose o 79.15 percent ng target vaccines nationwide. Nasa 73.32 percent naman ang nabigyan ng dalawang primary vaccine.

Habang may kabuuang 8,972,409 batang may edad na 12-17 ang fully protected na laban sa COVID-19 kung saan ang 2,126,651 ay nabibilang sa pediatric aged group na 5-11 na nakatanggap na ng one dose ng reformulated Covid-19 vaccine.

Sa panig ng matatanda, may kabuuang 6,609,619 senior citizen na ang nakakumpleto ng 2 dose ng bakuna.

Target ng gobyerno na makumpleto ang primary doses para sa 90 milyong adult Filipinos bago magtapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30.

Sabi nga ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., National Task Force Against COVID-19 chief implementer, kailangan pa ring mapalaganap ang COVID-19 vaccination program para makamit ng bansa ang goal nito na isulong ang total economic recovery. Para magawa ito, mayorya sa mga Pilipino ay kailangang bakunado.

At nakikita naman natin na umuubra ito dahil nakakaabante na ang ating ekonomiya patunay dito ang turismo na kita naman nating lahat na unti-unti nang umaalagwa. Sabi nga ng mga tourist workers, dalangin nilang huwag na muling magkaroon ng surge. Sa ngayon ay pigil-hininga pa rin sila dahil baka raw mga buwan ng Hunyo ay magsara na naman ang turismo kung magkaroon ng surge.

Sa mga ganitong takot, malaking bentahe kung bakunado talaga ang mayorya sa populasyon. Kaya kahit abala ng mga tao sa kampanya, kailangang huwag tamarin ang mga local government units (LGUs) sa pagsisikap na mabakunahan ang kanilang mga nasasakupan lalo na ang mga edad 5-11. Mistula kasing nawawala ang sigla ng LGUs sa pagbabakuna ngayong humupa na ang COVID-19 at posibleng dahil na rin sa kaabalahan sa eleksyon.

Habang hindi pa idinedeklara ng World Health Organization (WHO) na tapos na ang pandemya, ituloy pa rin ang masigasig na kampanya sa pagbabakuna. Wag muna tayong magkampante. Kailangan natin itong lahat. Ni Adele Gunigundo

AUTHOR PROFILE