Posas

Pag-timbog sa kidnap suspek parang pelikula

December 6, 2023 Edd Reyes 130 views

MALA-Hollywood action movie ang pagkakatimbog ng mga pulis sa Chinese national na sangkot sa kidnapping matapos banggain ng suspek ang mobile car ng mga umaaresto noong Martes sa Pasay City.

Sa report ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. nangyari ang mala-pelikulang pag-aresto kay alyas Wong na sangkot sa pagdukot sa kanyang kababayan nang matiyempuhan sa gasoline station sa Macapagal Blvd. dakong alas-4:15 ng hapon.

Natimbog ang suspek nang magsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Pasay Police Station Investigation and Management Section (IDMS) sa pangunguna ni P/Capt. Dennis Desalisa.

Nang matunugan ng dayuhan na siya ang target, pinaharurot nito ang minamanehong Hyundai sedan (NCM-5039) at binangga ang kanang bahagi ng humarang na mobile car ng pulisya.

Tatakas pa sana si Wong pero na-korner na siya nina Capt. Desalisa, kasama sina P/MSg Jessie Bellesta, P/SSg Alvin Pagayon at P/SSg Harmon Ashby.

Nakuha sa loob ng sasakyan ng dayuhan ang iba’t-ibang ilegal na droga, plastic sachet na naglalaman ng shabu, mga ecstasy, plastic pipe at iba pang paraphernalia na gamit sa pagsinghot ng droga.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng IDMS, natuklasan na kabilang umano ang dayuhang Chinese sa nagsu-supply ng ilegal na droga sa mga POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) workers.

Ayon kay BGen. Pespes, mga kasong assault upon an agent of a person in authority, attempted homicide, reckless imprudence resulting in damage to government property at paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga kasong isasampa ng pulisya laban kay Wong.

“I would like to commend the immediate response of Pasay Police that led to the arrest of the suspect involved in the kidnapping incident of a Chinese national.

We will strengthen our coordination with our Chinese counterparts, noting that regardless of the nationality both the victims and perpetrators will not be tolerated here in our country,” pahayag ni MGen. Nartatez.

AUTHOR PROFILE