Default Thumbnail

Pag-atras ni Congressman Marcoleta

April 29, 2022 Allan L. Encarnacion 335 views

Allan EncarnacionISA tayo sa maraming nanghihinayang sa pag-atras ni Congressman Dante Marcoleta bilang kandidatong senador.

Sa mga naglalabasang survey, hindi pumapasok si Marcoleta sa magic 12 na ginamit niyang batayan sa kanyang desisyon.

Si Marcoleta ay December 2021 lang naman nagpahayag ng intensiyong kumandidato matapos siyang kausapin ni Pangulong Duterte. Ibig sabihin, halos limang buwan pa lang nang magsimula siyang kumilos para sa kanyang kandidatura.

Nakapanghihinayang ito dahil lumalabas sa mga pag-aaral na kahit mababa ang awareness ni Marcoleta, mataas naman ang voting preference sa kanya kapag nalamang kandidato siya. Ibig sabihin, kung malalaman lang talaga ng mga tao na kasama siya sa mga kandidato, malaki ang posibilidad na iboto siya.

Unang-una, katulad ng naisulat ko na rito minsan, sobrang taas ng kalidad ni Marcoleta para maging senador. Brilliant lawyer, statesman at talagang matalas sa mga imbestigasyon sa Kongreso.

Iyong klase ni Marcoleta ang tingin kong kailangan nating isama sa Senado para magkaroon ng mas mataas na kredibilidad ang kapulungan.

Maraming mga kandidato ang mahahalata mong walang laman kapag nagsalita na o sumali sa diskusyon. Meaning, kung substance rin lang ang usapan, maraming kakain ng alikabok kay Marcoleta. Sa totoo lang, kasama siya sa top 5 na kandidato ko sa pagkasenador dahil nga pinag-aralan talaga natin kung anong klaseng legislator ito.

Naniniwala tayong kung mas maagang nakipagsabayan si Marcoleta sa labanan sa mas malawak na pagkilos para sa awareness, mas magiging madali para sa kanya ang makilala ng publiko.

Iyong ibang nagbalak kumandidato ngayong 2022, nagsimula na silang kumilos noon pang 2018-2019. Kailangan mo talaga ng mas mahabang preparasyon dahil ang eleksiyon dito sa atin ay labanan ng massive awareness.

Marami ngang mga incumbent at former senators ay wala rin sa magic 12 kahit mas mahaba na ang kanilang exposure and preparations at mas mataas ang kanilang awareness. Ang naging problema naman ng mga ito, talagang ayaw na sa kanila ng tao.

Dito kay Marcoleta, marami na rin siyang nakukuhang supporters kahit kulang ang preparasyon. Sobrang laki ng engagement ng kanyang mga social media postings at makikita mo sa mga organic reactions na iboboto talaga siya kapag nalamang kandidato siya.

Sa isang banda, sa pag-atras ni Marcoleta, ibig sabihin, hindi puwedeng ma-apply sa kanya ang one year ban for appointment. Puwede siyang mabigyan ng appointment kahit sino mang kandidato ang mahahalal na Presidente.

Sayang ang talent at galing ni Cong Marcoleta, lalo na sa usaping legal na puwedeng pakinabangan ng bayan.

Umaasa tayong kung ano man ang plano ni Cong Marcoleta sa 2025, palagi lang tayong nakasuporta sa kanya dahil mataas ang respeto natin sa kanyang kapasidad.

[email protected]