Pag-asa at Paglilingkod: Kuwento ng SMFI iskolar
SA loob ng 30 taon, nakatulong na ang SM, sa pamamagitan ng Foundation nito sa 3,791 na iskolar na makapagtapos ng kolehiyo at labanan ang kahirapan. Dahil sa oportunidad na ito, natuto silang maging tulay ng pag-asa para sa iba, kagaya ng kanilang pamilya at komunidad.
Isa na dito ang dating iskolar ng SM Foundation (SMFI) na si Charlene Joy B. Quintos. Sa pamamagitan ng edukasyon, nabigyan siya ng pagkakataon na umangat sa buhay.
Sa kasalukuyan, siya ay naghahandog ng serbisyo publiko bilang SK (Sangguniang Kabataan) Federation President upang tulungan ang mga tulad niyang nangangailangan noon.
Nagtapos siya ng accountancy sa University of Perpetual Help System JONELTA-Isabela Campus. Walang sinayang na oras, sumailalim siya sa 2017 CPALE (Certified Public Accountant Licensure Exam) at pumasa. Ngayon, kumukuha siya ng kursong Bachelor of Laws upang palawigin ang kanyang pagtulong sa komunidad.
Sa pagharap sa iba’t-ibang hamon, naniniwala si Charlene na ang pagtulong ay “susi” sa pag-angat ng komunidad. Sa pamamagitan ng kanyang mga pagsisikap, nais niyang magtayo ng mga legal clinics sa lungsod ng Cauayan upang bigyan ng katarungan ang mga nangangailangan.
Isa sa mga pangarap niya ay maging tulad ni Henry Sy Sr., na handang tumulong upang bigyan ng oportunidad ang iba na tulungan din ang iba. Siya ay naniniwalang ito ay magniningas ng isang positibong siklo na makakatulong sa kanyang komunidad.