PASAHERO Sa liham na ipinadala nina PASAHERO founders Allan Yap at Robert Nazal kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Saidamen Pangarungan, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng distribusyon ng cash subsidy sa mga PUV drivers. Anila, hindi dapat ipasakop sa election spending ban ng Komisyon ang benepisyong ito ng mga tsuper dahil patung-patong na hirap ang pinagdaanan ng mga ito simula pa noong pandemiya.

Pag-alis sa fuel subsidy ban ng PUV drivers hiniling sa Comelec

April 6, 2022 People's Tonight 470 views

HINIHIMOK ng PASAHERO group sa Commission on Elections (Comelec) na agarang aksyunan ang pakiusap ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na huwag ipasakop sa election spending ban ang distribusyon ng fuel subsidy para sa mga tsuper ng public utility vehicles (PUVs).

Sa liham na ipinadala ng PASAHERO kay Comelec Chairman Saidamen Pangarungan nitong Abril 5, sinabi nila na kung ipagpapatuloy ang pagre-release ng cash subsidy sa PUV drivers, makagagaan ito sa kanilang mga hinaing, partikular ang napakataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

“Bilang kinatawan ng libo-libong tsuper ng bus, jeep, tricycle at iba pang PUVs sa iba’t-ibang panig ng bansa, nakikiusap tayo sa mga kinauukulan na ‘wag namang dagdagan ang hirap na dinaranas nila. Sila ang sektor na hinagupit ng paulit-ulit na lockdown dahil sa pandemiya, at ngayon dumaranas ng panibagong dagok dahil sa pagsirit ng presyo ng krudo,” anina Allan Yap at Robert Nazal, kapwa founder ng PASAHERO Party-list.

Mababatid na pansamantalang ipinatigil ng LTFRB ang distribusyon ng P6,500 fuel subsidy sa mga benepisyaryo dahil sa ipinatutupad na public spending ban ng Comelec.

Nagsimula ang naturang hakbang nitong Marso 25 bilang pagtalima ng ahensiya sa mga alituntunin ng Comelec sa panahon ng halalan.

Napag-alaman na hanggang ngayong araw, umaabot lamang sa 110,000 sa kabuuang 377,000 beneficiaries ang nakatanggap ng fuel subsidy mula sa gobyerno.

Dahil dito, nakiusap ang LTFRB sa Comelec na kung maaari ay huwag ipataw ang suspensiyon sa distribusyon ng cash subsidy sa mga PUV drivers.

Binigyang-diin ng PASAHERO na ito ang pagkakataon upang kilalanin naman ang sakripisyo ng ating mga drayber noong kasagsagan ng pandemya. Anila, maging sila ay may naitutulong bilang “frontliners” dahil hindi inalintana ng mga ito ang panganib ng COVID-19, makapagsilbi lamang sa publiko at para makasiguro ng panggastos sa umaasang pamilya.

“Hindi makatarungan na ipagkait natin sa kanila ang munting tulong sa pamamagitan ng fuel subsidy. Maliit na bagay lang ito kumpara sa kanilang naitutulong sa ating mga mananakay lalo na sa mga panahong humahagupit ang COVID-19 pandemic.

Ang PASAHERO o ang Passengers and Riders Organization, Inc., ay isang non-stock and non-profit organization na naglalayong ikatawan sa Kongreso ang mga pasahero ng iba’t-ibang uri ng transportasyon.

At bilang kinatawan, anila, ang PASAHERO ang magre-resolba sa mga suliraning may kinalaman sa sektor ng transportasyon, tulad ng nangyaring suspensiyon ng cash subsidy sa mga kuwalipikadong driver beneficiaries.

AUTHOR PROFILE