Volcano

PAG-ALBURUTO NG MAYON ‘AABOT’ NG BUWAN

June 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 474 views

POSIBLENG tumagal pa ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon batay sa ipinapakitang aktibidad nito mula nang itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa alert level 3 ang paligid ng bulkan.

Paliwanag ng Phivolcs, batay sa kanilang naging karanasan sa mga aktibidad ng bulkan, buwan ang inaabot ng naging pag-aalburuto ng bulkan at kung magiging mas bayolente ang mga aktibidad nito ay maaring magtagal ito ng ilang araw o linggo.

Sinabi ni Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol, malaki ang pagkakatulad ng aktibidad ng Mayon noong 2018 at 2014 sa ipinakikita nitong lakas sa ngayon.

“Based on our experience, this activity may persist for a few months,” pahayag ni Bacolcol.

“Kapag violent naman ang eruption niya, this would probably take a few days to weeks, pero kapag ganitong mabagal, it would probably take several months,” dagdag ng opisyal.

Dahil dito, kailangang manatili muna ang mga residenteng inilikas sa mga evacuation centers ng ilang buwan na nakatira sa mga lugar na kabilang sa maituturing na permanent danger zone hanggang sa humupa na ang sitwasyon.

Ipinaliwanag pa ni Bacolcol na kung maibaba na ang alert level ng Mayon at humupa ang pag aalburuto nito ay posibleng mas mapabilis ang pananatili sa mga evacuation center ng mga residenteng apektado. Dapat din aniya ay walang tao sa mga permanent danger zone habang nag aalburuto pa ang bulkan.

“Unless i-lower natin ang alert level natin, we have no choice but ‘yung mga taong nasa permanent danger zone, will have to stay muna sa evacuation centers. In the first place, dapat po walang tao diyan sa permanent danger zone,” paliwanag ng opisyal.

Sa kasalukuyan ay nasa alert level 3 pa rin ang sitwasyon ng bulkang Mayon dahil pa rin sa banta ng potential explosive activity nito na maaring maganap sa mga susunod na araw o linggo.

Ang lokal na pamahalaan naman sa probinsya ay itinaas na ang danger zone mula 6 kilometers hanggang 7 kilometers kaya nagpayo na rin sila sa mga residente na nasa 7-kilometer permanent danger zone na paghandaan ang posibleng paglikas.

Sa loob ng 24 oras nakapagtala naman ang Phivolcs sa bulkang Mayon ng isang volcanic earthquake, 221 rockfall events at mayroong 723 na toneladang sulfur dioxide ang ibinuga ng nasabing bulkan..

Una nang sinabi ng PHIVOLCS na nananatili silang nakabantay sa posibleng mas mataas na parametro pang ipakita ng mayon.

LGUs handa sa paglikas

Samantala, nakahanda ang mga local government units na nasa paligid ng Taal Volcano at Kanlaon Volcano sa posibleng paglikas sa sandaling lumakas ang pag-aalburuto ng dalawang bulkan.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Diego Mariano, bagamat parehong nasa alert level 1 pa lamang ang dalawang bulkan at hindi pa kailangang lumikas ang mga residente ay mas mabuti namang nakahanda ang bawat isa.

Paliwanag ni Mariano, tinitiyak lamang ng mga namumuno sa bawat LGUs na walang makakapasok sa idineklarang permanent danger zones.

“Ready po ang ating resources at ang ating mga evacuation centers dahil itong bulkan naman ito ay hindi naman ito bago. Nakahanda naman ang mga LGUs pagdating sa kung ano man ang mangyari o sakaling mag-worsen ang situation dito sa dalawang ibang bulkan,” pahayag ni Mariano.

Sa pinakahuling ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o (Phivolcs) nakapagtala ng 28 volcanic earthquakes kabilang ang pitong volcanic tremors sa paligid ng Bulkang Taal sa Batangas nitong Martes.

Nagbuga din ng 5,024 tonelada ng sulfur dioxide at makapal na usok na aabot sa 900 metro ang taas ang bulkang Taal.

Samantala, tatlong volcanic quakes at naglabas ng usok na may taas na 200 metro ang bulkang Kanlaon sa Isla ng Negros.

Taliwas naman sa dalawang bulkan, nagpapakita naman ngayon ng intensified unrest o magmatic unrest ang bulkang Mayon na nasa Alert level 3.