Default Thumbnail

Pag-aalaga sa sarili

April 8, 2023 Magi Gunigundo 968 views

Magi GunigundoUna, Maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay sa ating lahat!

Ayon sa World Health Organization, mahalaga ang pag-aalaga sa sarili dahil pinapanatili nito ang magandang kalusugan at itinataboy ang sakit.

Ang pag-aalaga sa sarili ay pagkakaroon ng isang malay at sinasadyang mga kilos ng isang tao upang itaguyod ang kanyang sariling pisikal, sosyal,mental, ispirituwal at emosyonal na kalusugan.

Ang pagkakaroon ng layunin sa buhay (tinatawag na “ikigai” ng mga Hapon) ang nagbibigay ng dahilan para regular na mag-ehersisyo, uminom ng 2 litro tubig bawat araw, matulog ng 7 hanggang 8 oras bawat gabi, kumain ng masustansiya at balansiyadong pagkain , mag-aral ng bagong wika o maglaan ng oras sa bagay na nakakalibang , pagdarasal at malapit na relasyon sa pamilya, kaibigan at pamayanan. Lahat ng ito ay konektado sa isang mas mahaba, masaya at mataas na antas ng buhay.

Ang pagbubulay-bulay ay hindi makakatulong sa iyo kung hindi ka nakakakuha ng sapat na tulog. Sa katunayan, kapag sinubukan mong magnilay, imbes na maging klaro ang iyong pag-iisip, maaari ka pa ngang makatulog dahil sa puyat na madaling makapagpahina ng resistensiya ng katawan. Ang pagpapapawis sa gym paminsan-minsan ay hindi magbibigay ng kalusugan kung hindi mo regular na pinapakain ang iyong katawan ng malusog at masustansyang pagkain.

Sa pag-aalaga sa pisikal mong katawan, dapat tukuyin ang tulog at puyat na iyong binibigay dito, gaano karaming pisikal na aktibidad ang iyong ginagawa na nagpapataas ng heart rate, at kung di mo pinipinsala ng paninigarilyo, paglalasing at pagdrodroga ang iyong katawan.

Ang pagdalo sa mga appointment sa doktor, pag-inom ng gamot na inireseta sa takdang oras, ay bahagi ng mahusay na pisikal na pag-aalaga sa sarili.

Ayon sa 85 taon pag-aaral ng Harvard University na inumpisahan noon 1938,upang matuklasan kung ano ang nagbibigay ng mahaba at masayang buhay, ang pakikisalimuha at relasyon sa kaibigan,pamilya at pamayanan ang nakitang susi nito. Ngunit mahirap maglaan ng oras para sa pamilya at madaling isakripisyo ang iyong mga relasyon kapag abala sa paghahanapbuhay o sa paghahabol ng promosyon sa trabaho.

Maling prayoridad ang nagpapahina sa relasyon sa mga taong tunay na nagmamahal sa iyo. Hindi maaaring kung kailan lang libre at saka isisingit ang anak o kaibigan sa iskedyul. Dekalidad na oras ang dapat ibigay sa pamilya. Hindi uubra na nasa bahay ka nga ngunit ang iyong atensyon ay nakapokus sa trabaho. Mabilis lumaki ang mga bata at nakakalungkot isipin na hindi mo sila kilala ng lubos at kapiranggot ang mga ala-alang nabuo kapiling sila.

Kasama sa pag-aalaga sa sarili ang pag -eehersiyo ng iyong utak . Ang paggawa ng mga bagay na nagpapanatili sa iyong isip tulad ng mga crossword puzzle, o pag-aaral ng bagong wika( sinimulan kong mag-aaral ng Nihonggo noon 2020). Ang pagbabasa ng mga libro o panonood ng mga pelikula sa Netflix , Viu, Asiaflix ,HBO, Disney Channel, National Geographic, at iba pa na naghahatid ng inspirasyon, nagpapaiyak , nagpapatawa o di kaya’y nagpapasigla sa iyong isip ay hindi dapat lubayan.

Ang isang pamumuhay na nakataban sa espirituwalidad ay karaniwang isang mas malusog na pamumuhay. Gayunpaman, ang pag-aalaga sa iyong espiritu ay hindi kailangang may kinalaman sa ano mang simbahan o relihiyon. Basta’t may kinalaman ito sa anumang bagay na makakatulong sa iyo na magkaroon ng mas malalim na kahulugan, pag-unawa, o koneksyon sa daigdig ay dapat pagyabungin. Ang pagmumuni-muni, pagdalo sa isang relihiyosong serbisyo, o pagdarasal, at pagtulong sa kapwa ay bahagi ng espirituwal na pangangalaga sa sarili.

Mahalagang magkaroon din ng malusog na kakayahan sa pagharap sa mga hindi komportableng emosyon, tulad ng galit, pagkabalisa, at kalungkutan. Maaari kang magtapat sa taong may sapat na karanasan na hindi marites. Ang taong ito ay maaaring ang iyong asawa , bff o di kaya ay isang guidance counselor na makakatulong na iproseso ang iyong mga emosyon.

Sa isang video na aking napanood, malaki ang pagkakaiba ng huling 10 taon sa buhay ng isang taong nag-alaga ng sarili at ng isang taong nagpabaya sa sarili. Ang una ay nagbibisikleta, ang huli ay naka-wheel chair. Ang una ay kalaro ang apo at sumisipsip sa straw ng inumin, ang huli ay may tubo sa ilong o sa leeg .Ang una ay nagsusuot ng relo sa pulso ng kamay, ang huli ay wristband ng ospital ang suot. Ang una ay tumandang masaya at mataas ang antas ng buhay hanggang sa huling sandali. Ang huli ay tumandang may sakit, dusa, lungkot at pagsisisi sa katre ng kamatayan. Iyong ending ng nag-alaga sa sarili, ang ending na gusto ko.

AUTHOR PROFILE