
Pacquiao isusulong pagkakaisa, pangmatagalang trabaho
NAGPAGISING sa damdamin ang talumpati ni senatorial candidate Manny Pacquiao nang isalaysay ang kanyang pagpupunyagi bago makamit ang tagumpay sa ikalawang araw ng campaign rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Iloilo City.
“Bago po ako naging Manny Pacquiao, dumaan po ako sa pinakamahirap na sitwasyon ng pamilya,” pahayag ng boxing icon nang ikuwento ang kanyang naranasang matulog sa lansangan na karton lang ang higaan at halos walang makain kaya’t ipinangako sa sarili na tutulungan ang mahirap na Pilipino na makaahon sa kahirapan sa oras na makaupong muli sa Senado.
Kabilang sa inilatag na pangako ng 8th division world champion ang pabahay sa mga walang tirahan, matatag na kabuhayan ng mamamayan, libreng edukasyon sa kapos-palad na Pilipino at pagbibigay ng dagdag na puhunan sa mga small at medium enterprises na aniya ay susi sa paglikha ng trabaho.
Binanggit pa ni Pacquiao na nais niyang mag-iwan ng hindi malilimutang pamana, hindi lamang sa pagpapasigla ng palakasan, kundi sa pagunlad ng kabuhayan ng lahat ng Pilipino, tulad aniya ng ginawa ni dating Singapore Prime Minister Lee Kuan Yew.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nanawagan si Pacquiao ng pagkakaisa sa kababayang Pilipino. “Hindi tayo forever dito. Lilipas lang din tayong lahat, kaya sana magkaisa tayo para umunlad ang bawat Pilipino,” pahayag niya.