Pacquiao: Ano gusto n’yo mamigay ako mg pera o magnakaw ako?

October 16, 2021 Marlon Purification 238 views

Marlon PurificationSAGOT ito ni presidential aspirant Senator Manny Pacquiao hinggil sa bumabatikos na mistulang nagbo-vote buying na siya sa ginawang pamimigay ng pera nang dumalaw sa lalawigan ng Batangas nitong nakalipas na Huwebes.

Ani Pacman, matagal na niyang ginagawa ang mamigay ng pera sa mga mahihirap. Alam ng taumbayan ito at napapaulat naman noon pa na bawat bayan o lalawigan na puntahan nito ay namimigay na siya ng pera o minsan nga ay bahay at lupa pa.

“Matagal ko nang ginagawa iyan kahit hindi pa ako kandidato. Ang batikusin nila iyong nagnanakaw sa gobyerno, hindi kaming tumutulong sa mahihirap,” sagot ni Pacquiao.

Ang pahayag na ito ni Pacman ay dahil sa lumalabas na intriga sa social media na namimili na ng boto ang pambansang kamao.

Mahigit dalawang dekada na aniya ang ginagawang pamimigay ng tulong sa mahihirap ni Pacman tinaguriang ‘greatest boxer of all time’ sa buong mundo. Sukli, tulong at pasasalamat aniya ito sa Panginoong Diyos mula sa sa mga natamo niyang biyaya.

“Galing ako sa hirap. Ramdam ko ang pangangailangan ng ating mga kababayan kaya sana kahit ang pamimigay ko ng tulong ay huwag nilang pigilan o pag-isipan ng masama,” sabi pa niya.

Samantala, sinagot ni Pacman ang pahayag ng Department of Interior and Local Government (DILG) na may nilabag na ‘social distance’ sa ginawa niyang pagbisita sa Batangas.

“Hindi tayo nagkulang ng paalala sa mga tao. In fact, kahit mga pulis natin (Batangas PNP) may placard na ‘social distancing.’ PInaalalahanan natin sila na para makatulong tayo sa ating gobyerno ay sumunod tayo sa protocol na ipinatutupad ng IATF,” anang senador.

“Maganda naman iyong resulta ng pamimigay natin. Pagtulong natin sa kanila. It happened lang talaga na sa rami ng taong pumunta ay hindi natin sila mapigilan. Naawa ako dahil talagang makikita mo na nangangailangan sila ng tulong at nagugutom,” ani Pacquiao.

Nabatid na umabot sa 8,000 kababayan sa Batangas ang binigyan ng tig-P1,000 na matiyagang pumila para makakuha ng tulong mula sa sariling bulsa ng Fighting Senator.

“Maraming pulis. Ginawa ng mga pulis natin ang kanilang trabaho sa pag-aayos ng hanay. Doon mo makikita na hirap na hirap ang mga tao. Naintindihan ko sila. Ako naman ayaw kong hingi ako ng hingi pero kung wala talagang trabaho, hindi mo sila masisisi,” sabi pa nito.

MEGA PRISON

Samantala, gusto ko iyong plano ni Pacquiao na sakaling siya ang palaring manalo bilang presidente ng Pilipinas ay magpapagawa siya ng isang malaking kulungan para sa mga magnanakaw sa pamahalaan.

Tatawagin aniya niya ito bilang MP o Mega Prison.

“Iyong mga nagpapahirap sa mga mahihirap na tao. Iyong nagsasamantala na matagal na, maniwala kayo sa akin, hindi ako magko-compromise kahit kanino pero papakitaan ko kayo na ang taumbayan ay papalakpak kapag nakita nila iyong kawatan diyan sa gobyerno na magsama-sama diyan sa kulungan,” sabi pa nito.

SAMIRA AT WIN, GUSTO RIN SA LINE-UP NI PACMAN

Sa kabilang dako, ilang minuto matapos magpa-presscon si Pacquiao at ihayag ang senatorial slate noong Biyernes, nag-aaply din sina senatorial aspirant Samira Gutoc at reelectionist Senator Win Gatchalian.

Sinabi ng source na nagpasabi ang kampo ng dalawa kay PDP Laban Pimentel wing Information Chief Ron Munsayac na gusto rin nila maging guest candidate.

Bagaman nag-a-apply bilang katandem ni Davao Mayor Sara Duterte, si Win ay miyembro ng Nationalist People’s Coalition na pinamumunuan ni vice-Presidential bet Senate President Tito Sotto.

Si Gutoc ay kandidato sa pagkasenador ng Aksiyon Demokratiko ni Presidential candidate Manila Mayor Isko Moreno.