Pacman, talo man sa Vegas, kampeon pa rin sa Pinas!

August 23, 2021 Allan L. Encarnacion 425 views

Allan EncarnacionANG boksing ay katulad din ng basketball at ng iba pang physical sports na tibay ng katawan ang puhunan.

Kahit anong galing mo, kahit ano pang sigla mo sa mga napili mong sports, darating ang panahon na ang edad mo lang ang iyong kalaban.

Noong kabataan ko, akala mo wala nang bukas kung maglaro ng basketball, kung makipaghabulan na parang daga. Mahinang-mahina ang tatlong whole set ng whole court basketball game na walang uwian.

Dumating ang panahon na kayang-kaya pa ng isip mo pero hindi na kinakaya ng katawan mo. At kahit sa tingin mo’y kaya pa ng iyong katawan, nagkakaroon ka ng pangamba na baka mapilayan ka or mabaldado sa paglalaro.

Kaya nga ang ending, doon ka nauuwi sa sports na wala kang pisikal na kalaban gaya ng jogging, cycling at kung anu-ano pa na makakaiwas ka sa aksidente.

Si Jawo, mahigit singkuwenta anyos na nang tumigil sa basketball. Malakas pa ang kanyang katawan pero makikita mong hindi na rin niya kinakaya. Ganyan din ngayon si Senador Manny Pacquioa. Sa tingin natin, malakas pa siya at kaya pa niyang lumabas pero kapag bibigyan mo ng timbang ang kanyang edad at mas bata na kanyang makakalaban, iisipin mo talagang hindi na para sa kanya ang laban nila ni Ugas.

Kahit hindi tayo dalubhasa sa boxing scoring, alam natin sa ating mga naked eye batay sa panonood ay talo talaga si Pacman. Pero ang hindi mo kayang tawaran ay ang kanyang stamina na tumagal sa laban at hindi rin napabagsak ni Ugas.

Para sa atin, natalo man si Pacman sa kanyang huling laban sa Vegas, naniniwala akong siya pa rin ang kampeon ng Pilipinas. Malaking kontribusyon ang ibinigay ni Pacman sa karangalan ng bansa.

Kaya tayo nakilala sa buong mundo hindi dahil sa rebolusyon o sa ating mga Katipunerong nagpunit ng cedula. Sa pamamagitan ni Pacman natagpuan at natunton ng mundo ang Pilipinas.

Wala nang makakabura sa iginuhit na kasaysayan ni Manny sa bansa na naging inspirasyon nating lahat. Naniniwala akong sa pagkatalo ni Pacman kay Ugas ay mas lalo siyang napamahal sa mga Pilipino.

Sa pagkakataong ito nasira ang masamang kasabihan na “ the winner has so many fathers while the loser is an orphan.” Sa pagkatalo ni Pacman, nangibabaw ang pagmamahal sa kanya ng marami nating kababayan, lalo na nang magpakita pa siya ng pagpapakumbaba sa pamamagitan ng pagso-sorry sa bayan dahil sa kanyang pagkatalo.

Para sa akin, si Manny ang totoong poster boy ng mga Pinoy na nakipagsapalaran sa maraming larangan na nagtagumpay sa pamamagitan ng totoong pagsisikap at pagpupunyagi.

Kung mayroon mang mabuting naibigay si Pacman sa ating mga bansa, iyon ang pagiging tunay na dakila sa isip, sa salit at sa gawa.

Mabuhay ka Pacman, para sa amin, heavy weight champion ka!

allanpunglo@gmail.com