Pacman at Rufa Mae may warrant of arrest din?
Gaano katotoo na may warrant of arrest din ang ating boxing champ na si Manny Pacquiao at ang sexy comedienne na si Rufa Mae Quinto?
Ito ang tanong din ni Ogie Diaz sa kanyang latest vlog dahil ito raw ang ipinarating sa kanya ng kanyang source.
“May nagparating uli sa amin, totoo ba ito? Na maging sina Rufa Mae Quinto at People’s Champ Manny Pacquiao ay may warrant of arrest din?”
Tulad ni Neri Naig ay endorser din umano sina Pacman at Rufa Mae ng skin care company na ine-endorse ng misis ni Chito Miranda.
Matatandaang inaresto si Neri kamakailan sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong syndicated estafa at 14 counts ng paglabag ng Securities Regulation Code.
Ani Ogie, “Tulad ni Neri, endorser din ng Dermacare si Rufa Mae. Si Manny naman, ang nakalagay ay franchisee/brand ambassador noong 2022. Nakakaloka, ha? Sana, hindi ito totoo. Otherwise, maari itong linawin ng kampo ni Rufa Mae at ni Manny Pacquiao. O baka hindi rin sila aware sa surprise warrant of arrest.”
Bukas naman ang People’s Tonight para sa anumang pahayag nina Rufa Mae, Manny o ng naturang skin care company.