Default Thumbnail

Paboritong kontraktor?

October 6, 2023 Allan L. Encarnacion 284 views

Allan EncarnacionMALAKI pala ang problema sa Bases Conversion Development Authority (BCDA) na nakabase sa Clark City, Pampanga at may opisina rin sa Global City sa Taguig.

Ang BCDA ay isang government-controlled corporation na namamahala sa mga dating base militar ng Amerika na converted sa mixed development gaya ng BGC, Clark at Subic.

Maraming infrastracture project ang nasa ilalim ng BCDA gaya ng mga connecting road sa loob ng Clark, sa Capas, Tarlac hanggang doon sa Bataan.

Ang balita natin, may mga paboritong contractor umano ang BCDA sa tuwing nagsasagawa ng bidding sa mga connecting road na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso.

Wala namang problema ang pagkakaroon ng darling contractor, lalo na kung maganda naman ang performance at top quality ang kanilang proyekto.

Ayon sa mga natatanggap nating impormasyon, may mga connecting road na ginawa ng paboritong contractor ang hindi naman nakaabot sa mga target date completion pero paulit-ulit pa ring nakakasali sa mga bidding.

Ground na sa pag-black list kapag hindi umaabot sa target date ang mga kontraktor. Ang susunod na tanong, maayos ba ang kalidad ng nagawang proyekto?

Dapat siguro magkaroon ng check and balance sa mga proyekto ng paboritong kontraktor ng BCDA sa pamamagitan ng pagbusisi sa kalidad ng konstruksiyon.

Pondo ng gobyerno ang ginagamit ng BCDA dahil nagmula ito sa buwis ng ating mga mamamayan.

Maganda sigurong silipin din ng Commission on Audit ang mga proyekto ng BCDA para matiyak na walang nasasayang na pondo.

Paging BCDA Chairman Lorenzana at President Joshua Bingcang, baka puwedeng imbestigahan kung sino ang may-ari ng el paboritong kontraktor.

***

Kinokondena natin ang ramming incident sa fishing boat ng ating mga kababayan ng foreign oil tanker sa Bajo de Masinloc sa Zambales/Pangasinan area na ikinamatay ng tatlo nating kababayang mangingisda.

Mistulang hit and run ito dahil tinakbuhan ng foreign vessel ang nabundol na bangkang pangisda ng ating mga kababayan.

Tiyak naman na hindi ito sinadya dahil madilim pala sa pinangyarihan ng insidente subalit hindi naman ako makapaniwalang matapos ang pangyayari ay hindi nila makikita ang mga debris ng bangkang bago pa lumubog.

Pacific Anna oil tanker ang sangkot sa banggaang ito, wala itong kilalaman sa territorial dispute kaya huminahon tayo.

[email protected]