Allan

Pabor pa sa magarang bahay ang mga bumbero?

January 13, 2025 Allan L. Encarnacion 80 views

REYALIDAD talaga ang reklamo ng mga pangkaraniwang tao sa Estados Unidos ukol sa kanilang mga bumbero habang nilalamon ng apoy ang maraming kabahayan.

Umaangal ang mga mamamayan sa LA sa umano’y pagpabor ng mga bumbero sa bahay ng mga mayayaman. Masyado raw busy ang mga bumbero sa LA sa pagsagip sa bahay ng mga mayayaman habang ang kanilang maliliit na tahanan ay napapabayaang maabo.

Sa isyung ito ay hindi rin natin masasabing bias ang mga bumbero sa LA para sa mga sikat at mayayaman dahil nabalitaan naman nating natupok din ng apoy ang bahay nila Paris Hilton, Mandy Moore, Anthony Hopkins at ang iba pang Hollywood stars.

Hindi rin natin sasabihing walang batayan ang angal ng mga nagrereklamo sa LA dahil sa totoo lang naman, nangyayari talaga yan sa tunay na buhay kahit dito sa Pilipinas.

Pero makailang ulit na nating narinig ang paliwanag ng mga bumbero dito sa atin kapag inaakusahan sila ng pagpabor sa bahay ng mga mayayaman. May point din naman sila na kailangang ding sagipin ang bahay na hindi pa nasusunog na malapit or katabi ng mga nasusunog.

Kung makokontrol kasi ng mga bumbero ang apoy sa pamamagitan ng pagsagip sa apoy na makadila sa bahay ng mayaman, mas maraming maililigtas na bahay. Kung minsan naman kasi, iyong magkakasunod na bahay na nasusunog ay natatapat naman na sa pangsampung bahay ay mukhang mayaman tapos kapag nakatawid ay masusunog na naman ang mga sunud-sunod na magandang bahay.

Doon nabibigyan ng malisya na pinapaboran ang mga mayayaman kumpara sa mga mahihirap.

HIndi rin ganoon kadaling husgahan ang mga bumbero natin dahil tama rin ang kanilang katwiran. Mahirap din kasing akusahan ng suhulan habang nasa gitna ng panic mode ang mga tao at ang mga bumbero.

Natural na makakita ng mga negatibo ang mga nasusunugan dahil nga sitwasyong wala namang may gustong mangyari. Kaya nga may mga pagkakataong inaagaw pa ng mga residente ang hose ng mga bumbero para lang maunang sabuhan ng tubig ang kanilang tinutupok na bahay.

Hindi rin madali ang trabaho ng mga bumbero kaya sa tingin natin as mas dapat silang bigyan ng kredito sa halip na akusahan ng kung anu-ano.

Sabi nga sa Batibot, ang mga bumbero ay kapitbahay nyo na laging handang tumulong sa inyo.

[email protected]