‘Pabayang ama’ kumakandidato!

February 3, 2022 Marlon Purification 186 views

Marlon PurificationKAUSAP ko ang ilang kaibigang showbiz writer.

Isa pala sa pinag-uusapan nila ngayon ay ang muling pagsabak sa pulitika ng isang laos na ta-artits.

Bukod kasi sa nuknukan ang sama ng ugali nito, wala rin daw itong kadala-dala para sumabak sa pulitika.

Katunayan ay dalawang beses na itong natalo sa eleksiyon.

Una ay natalo nang tumakbo bilang vice-mayor.

Ikalawa ay olat pa rin nang tumakbo naman bilang vice-governor.

Sabi ‘nga, ibang klase rin ang tapang ng apog ng kolokoy.

Natalo na nga sa pagka-vice mayor, nangarap pang mag-vice governor.

Kaya ang naging resulta, ‘nganga!

Eto ngayon ang tsika, Marites.

Tumatakbo naman daw ito ngayon.

Makabayan daw ito, matulungin at may malasakit sa bayan.

Diumano, si artistang laos ang tagapagsulong upang buhayin uli ang bayanihan para sa bayan!

Kaya ‘nga dito nanggigigil ang ilang showbiz writers.

Kasi alam naman nilang masama ang ugali nito at walang ibang inisip kundi ang kanyang sarili.

Kahit ‘nga ang sariling anak nito ay tuluyan nang pinabayaan.

“Tapos ngayon may pa-promote-promote pa siya ng pagmamahal sa taumbayan? Paano mo kakalingain ang taumbayan kung sarili mo namang anak ay hindi mo kinalinga? Pano ka magsasabi ng malasakit para sa bayan kung sa sarili mong anak ay wala kang malasakit?” sabi ng kaibigan nating writer.

Nagtataka rin ang ilang kaibigan natin kung saan ito kumukuha ng pera ngayon sa pangangampanya, gayung wala na naman itong trabaho.

Wala na rin itong proyekto sa pelikula dahil masama ang ugali ni aktor!

Ang palagiang ginagawa na lang nito ngayon ay sumipsip sa isang maimpluwensiyang pulitiko.

Madalas pa nga ay nababatikos din ng netizens dahil sa tuwing humaharap ito sa entablado, napaka-offensive ng kanyang joke sa mga kababaihan, bastos at kahit ina ng kanyang anak ay hindi na iginalang sa harap ng publiko.

Sabi tuloy ng ilang showbiz writer, kawawa ang grupo na kinaaaniban nito.

At higit na kawawa ay ang taumbayan na magogoyo nila para siya iboto.

Dahil dito, magbibigay na lang ako ng tip sa ating mga kababayan.

Huwag na huwag po tayo basta maniniwala sa ilang kandidato. Kasi marami naman talaga diyan ang pakilala ay makabayan, may bayanihan at may malasakit sa taumbayan.

Pero ang totoo, sila ang tunay na salot sa bayan!