‘Pabaon Scam’ sa maanomalyang bidding ng plaka sa LTO?

February 19, 2022 Marlon Purification 242 views

Marlon PurificationMABIGAT ang mga paratang ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) laban kina Land Transportation Office (LTO) chief Asec. Edgar Galvante at Executive Director Romeo Vera Cruz na siyang hepe ng Bids and Award Committee ng LTO.

Katunayan, mismong si PACC Chair Greco Belgica pa ang nagrekomenda para kasuhan ang dalawang opisyal dahil sa diumano’y maanomalyang bidding sa plaka ng motorsiklo.

“That an order be issued by the President dismissing from office Gen. (Ret.) Edgar C. Galvante and Atty. Romeo G. Vera Cruz for the perpetration of a grave administrative offense under Section 50 Par. (8), Rule 10 of the 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, and endorse the filing of criminal cases against them before the Office of the Ombudsman for violation of the “Anti- Graft and Corrupt Practices Act”, ayon sa limang pahinang report pirmado ni Belgica noon pang Mayo 2021.

Idinagdag ni Belgica na lumilitaw sa kanilang imbestigasyon na nagkaroon ng anomalya sa bidding kaya nararapat lamang na matanggal sa puwesto ang mga nasabing opisyal.

Dahil dito, dalawang kompanya, ang Erich Utsch AG at J. Knieriem BV, na mga international supplier ng plaka ng motorsiklo sa bansa, ang nanawagan na kay Pangulong Duterte na ipatupad agad ang rekomendasyon ng tanggapan ni Belgica para mapigilan ang panibagong “maanomalyang” bidding sa LTO na sisimulan ngayong Pebrero 23.

Kamakalawa ay nanawagan sa Senado ang dalawang kumpanya na ipatigil ang bidding.

Binanggit nila na maanomalya ito dahil ang mga opisyal na sangkot sa bidding ay siya ring pinakakasuhan ng Senado bunsod pa rin ng kontrobersiyal na transaksyon.

“In line with this, may we request for your assistance to urgently hold and/or cancel this bidding first and allow the processing of cases be filed against the present BAC Chairman and HOPE of LTO as the Senate Blue Ribbon recommended,” ayon sa isang pahinang liham.

“They are still the same people behind the LTO administration now, so where is the logic of having them handle this same bidding?,” dagdag pa nila.

Kinuwestiyon din nila na kadalasang ginagawa ang bidding sa naturang ahensya tuwing Setyembre ng taon.

Bigyan natin ng karapatan sina Galvante at Vera Cruz na ibigay ang kanilang panig.

Anumang oras ay nakahanda po tayong ilathala ang kanilang komento at tugon hinggil sa naturang isyu.

Pangit po kasing tingnan na kung kailan matatapos na lang ang termino ng Pangulong Duterte ay doon pa magkakaroon ng bahid ang kanilang administrasyon.

Alam ko, kahit sina Gen. Galvante ay ayaw ng ganitong isyu at iskandalo

Ang halagang sangkot sa kinukuwestiyong bidding ay umaabot sa P540 million.

Kaya bilang ahensiya na naniniwala sa ‘transparency, accountability and good governance,’ kumpiyansa po tayong ito rin ang magiging gabay ng mga LTO officials para hindi madungisan ang kanilang pangalan.

Pangit at masakit ding pakinggan na ang usapan ngayon sa LTO, DOTr at Senado ay bahagi raw ng ‘Pabaon scam’ ang P540 million project.

Naniniwala akong hindi ganito ang pagkatao nina Gen. Galvante at Ginoong Vera Cruz.

Tama ba ako, DOTr Sec. Art Tugade at Senadora Grace Poe?