Pabahay para sa informal settlers sa Bataan inilunsad
BATAAN – Sinabi kahapon ni Congressman Abet S. Garcia ng Bataan 2nd District, na matutupad na ang “pangarap” ng mga walang pang sariling tirahan sa probinsya.
Sinabi ni Cong. Garcia na mula ika-24 ng Setyembre, “simula na ang katuparan ng mga pangarap ng ating mga kababayang informal settlers.”
“Uumpisahan na po ang pagtatayo ng mga pabahay na mag-iiwas sa kanila sa panganib at magbibigay ng oportunidad sa trabaho dahil malapit ang mga ito sa mga FAB [Freeport Area of Bataan] Expansion Areas,” dagdag pa niya.
Kasama si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jerry Acuzar, ang kongresista ay naging saksi sa pagpirma ng “Tripartite Memorandum of Understanding” sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan sa pamumuno ni Bataan Gov. Joet Garcia, Pag-IBIG Fund at ng Treehouse Properties and Development Corporation; gayundin ang groundbreaking ceremony para sa mga pabahay sa mga bayan ng Mariveles, Orion, Orani, at Lungsod ng Balanga.
“Napakapalad nating mga Bataeño na buo ang suporta ng ating Presidente Bongbong Marcos at ang nailuklok na housing czar ay ang ating kababayang si Kuya Jerry Acuzar,” paliwanag pa ni Garcia.
“Ang inyong suporta upang matugunan ang malaking kakulangan sa pabahay dito sa Bataan ay napakalaking bagay tungo sa katuparan ng aming hangarin na magandang buhay para sa bawat pamilyang Bataeño,” dagdag pa ng binatang mambabatas.