Default Thumbnail

Pabahay ni PBBM, maraming umaasa!

February 8, 2023 Vic Reyes 768 views

Vic ReyesTATLONG parcels na naglalaman ng mga iligal na droga ang na-intercept ng Port of NAIA (Ninoy Aquino International Airport) at partner agencies nito sa Pasay City.

Ang mga pakete ay may lamang candies at isang vape cartridge containing THC (tetrahydrocannabinol, 1.020 kg ng ecstasy, at 106.46 grams ng shabu.

Nagkakahalaga ng mahigit na P2 milyon, ang mga kontrabando ay nakita sa Central Mail Exchange Center (CMEC), Pair Cargo at DHL Warehouse sa Syudad ng Pasay.

Naka-consigned naman ang mga pakete sa Negros Occidental, Makati City at Camarines Sur.

Ang mga droga ay nasa kustodya na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) “for proper disposition.”

Sinabi ni Port of NAIA District Collector Carmelita “Mimel” Manahan-Talusan na determinado ang Bureau of Customs (BoC) na patigilin ang pagpasok ng illegal goods sa bansa.

Ayon kay Ma’am Mimel, ang pinaigting na kampanya laban sa ismagling ay pagtalima sa marching order nina Pangulong Marcos at BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Si Collector Talusan ay anak ni dating Customs Deputy Commissioner Julie S. Manahan, na kapatid ni businessman at dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson.

Sa tingin ng maraming waterfront observers ay kailangan pang dagdagan ng sniffing dogs at scanning machines ang Port of NAIA para masigurong walang makalulusot na kontrabando.

Malaking tulong kasi ang sniffing dogs at x-ray machines para malaman kung ang isang kargamento ay naglalaman ng illegal goods.

Tama ba kami, Commissioner Ruiz?

****

Noong Lunes, Pebrero 6, dumagsa ang maraming tao sa opisina ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road sa Quezon City.

Nabalitaan daw kasi sa pamamagitan ng telebisyon at social media, na meron daw ipinamimigay na pabahay ang gobyerno.

Karamihan sa mga pumila ay galing ng Maynila, Marikina, Cavite, Bulacan at Rizal.

Ayon naman sa NHA, wala silang ipinamimigay na libreng pabahay.

Ang nangyari sa opisina ng NHA sa QC ay nagpapatunay lamang na marami pang kababayan natin ang walang sariling bahay.

Malamang na karamihan sa mga pumila ay nangungupahan lamang o nakatira sa mga barung-barong sa mga squatter areas.

Kaawa-awa naman ang mga kababayan nating pumila.

Mabuti na lang at may programa si Pangulong Bongbong Marcos Jr. na magpatayo ng isang milyong dwelling units kada taon sa loob ng kanyang panunungkulan.

Ang ibig sabihin nito ay magtatayo ang gobyerno ng anim na milyong dwelling units sa loob ng anim na taon ni Pangulong Marcos sa Palasyo ng Malakanyang.

Ito na lang ang inaasahan ng mahihirap nating kababayan.

***

Sakit talaga ng ulo ng gobyerno ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.

Sa maraming lugar, hindi na nagpupunta sa mga palengke dahil sobra din kung maningil ng pamasahe ang mga mapagsamantalang drayber ng mga tricycle.

Kaya nga buhay na buhay ngayon ang mga nagtitinda sa pamamagitan ng online.

Kaysa magpunta sa palengke, ibibili na lang ng mga residente ang kanilang pamasahe ng dagdag na ulam.

Makatitipid na sila , makakaiwas pa sa sakit na kagaya ng coronavirus 2019 (COVID-19), ubo, sipon at iba pang nakahahawang sakit tuwing panahon ng tag-araw.

Sa isang banda, makatutulong naman ng malaki ang mga opisyal at kawani ng mga barangay upang mahuli ang mga “hoarder” at “profiteer” na nagpapahirap sa taumbayan.

Isuplong nila sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga mapagsamantalang negosyante sa kani-kanilang barangay para matulungan ang gobyerno nasyonal.

Hindi masama ang kumita pero dapat nasa lugar lang para naman hindi masyadong mahirapan ang mga naghihikahos nating kababayan.

Tama ba kami, Senador Imee Marcos?

(Para da inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pabgalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE