Paano pa hahabulin ni Lenlen ang 56% Pulse Asia April 16-21 survey ni BBM?

May 2, 2022 Marlon Purification 278 views

Marlon PurificationMAINIT-INIT pa ang detalyeng hawak ko nang umpisahan nating tikladahin ang artikulong ito kahapon ng tanghali.

Naglabas na naman kasi ng panibagong resulta ng survey ang Pulse Asia na ang pinakahuling ‘field work’ na ginawa ay noong April 16-21.

Ang resulta ay ipinalabas halos wala nang isang linggo bago ang halalan sa Mayo 9.

Tulad ng inaasahan, napanatili ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang malaking lamang sa lahat ng kanyang mga kalaban sa nakuhang 56% voters preference – parehong numero na nakuha nito noon ding buwan ng Marso.

Si Leni Robredo ay sobrang malayo kay Marcos mula sa nakuha nitong 23 percent.

Ibig sabihin, 33 percent ang lamang sa kanya ni Marcos at muli, ang bilang na ito ay inilabas wala nang isang linggo bago ang inaabangang May 9 elections.

Nasa malayong pangatlo si Manny Pacquiao na nakakuha ng pitong porsyento, habang si Isko Moreno ay bumagsak sa pang-apat na nakakuha ng apat na porsyento, at si Ping Lacson na nasa ikalimang pwesto na mayroong dalawang porsyento.

Sa vice presidential race naman, nanatili rin ang running mate ni Marcos na si Inday Sara Duterte na may malaking kalamangan sa mga katunggali matapos umiskor ng 55 porsyentong voter preference sa nasabing survey ng Pulse Asia.

Nasa malayong pangalawa si Tito Sotto na nakakuha ng 18 porsyento, pangatlo si Kiko Pangilinan na mayroong 16 porsyento, Willie Ong, tatlong porsyento at Manny Lopez, isang porsyento.

Noong March survey, sinabi ni Ana Tabunda, Research Director ng Pulse Asia, na kung iko-convert ang 56 porsyento ni Marcos sa Boto, aabot Ito sa 36.5 milyong Boto sa kabuuang 65 milyong registered voters sa bansa.

“Well, ngayon lang kami nakakita ng ganyan kalaking lamang sa buong experience namin. Kauna-unahang pagkakataon ito na mayroong nag-majority voter preference na presidential candidate,” ani Tabunda.

Idinagdag pa nito na ang mataas na numero ni Marcos ay maituturing na nakatala sa kasaysayan dahil ngayon lamang sila nakakita ng 50-plus na numero simula nang magsagawa sila ng survey.
“Marcos was leading by 32 percent margin points and if it is converted into votes, it could be around 19.5 million, which was even higher than the more than 16 million votes Pres. Rodrigo Duterte obtained in the 2016 presidential polls” sabi pa ni Tabunda.

Sinabi rin niya na mahihirapan nang makahabol si Robredo sa laki ng numero na kailangan niyang habulin.

“Medyo mahirap po siya (Robredo to catch up), kasi nga po itong huling pagtaas ni Leni ay nine points. Para po makahabol ay kailangan niya ng 16 points tapos kailangang mabawasan si BBM ng 16 points sa darating na araw bago ang eleksyon. Medyo mahirap siya (mangyari),” sabi pa nito.

Matatandaan din na si Marcos ay nakapagtala rin ng 57 porsyentong voter preference sa OCTA Research survey na Isinagawa nitong Abril 2-6.

Nasa malayong pangalawa pa rin si Robredo na nakakuha lamang ng 22 porsyento, Isko Moreno ay may nine percent, Manny Pacquiao, pitong porsyento, at Ping Lacson, apat na porsyento.

Sa lumabas na survey naman ng Social Wether Station (SWS) nitong Marso, makikita rin na runaway winner si Marcos matapos tumaas pa ng walong porsyento ang kanyang voter preference.

Nagtala siya ng 58 porsyentong voter preference nitong Marso 2022 survey, o tumaas ng walong porsyento kumpara sa kanyang 50 porsyentong survey rating nitong Enero.

Katulad ng inaasahan, nasa malayong ikalawa pa rin si Robredo na mayroon lamang 18 porsyentong voter preference.

Sa mga numerong ito, hindi ko alam kung paanong milagro pa ang mangyayari para makamit ang sinasabi ng mga kampon ng dilawan na mananalo si Robredo.

Sabagay, noon ko pa sinasabi. Hanggang dinadaan lamang sa daya ni Robredo ang bilang ng numerong dumadalo sa kanilang ‘concert rally,’ na ang karamihan kung hindi lobo ay mga menor de edad na kabataan, walang duda na mabubuko rin sila sa finish line at iyon ay ang araw ng halalan.

Sa motorcade pa lang kasi, alam na namin kung gaano kalakas si Marcos, samantalang si Lenlen, kahit kailan ay hindi kumasa sa caravan challenge na hamon sa kanila, kasi nga, puro peke, pagpapanggap at paninira lamang ang ginagawa ng kampon ng dilawan.