Paano mag-recruit ng matinong magpupulis?

June 4, 2021 Allan L. Encarnacion 240 views

Allan EncarnacionKAPAG mayroon kang blender at pinagsama-sama mo ang baril, tsapa ng pulis at haluan mo pa ng alak na may pride syrup, tiyak na lason ang kalalabasan.

Itong brutal na pagpatay ng isang sarhento sa kanyang babaeng kapitbahay sa Fairview, Quezon City ay nagpabalik sa ating gunita sa ginawa ring pagbaril ng isa pang pulis sa matandang babae rin sa Tarlac noong nakaraang taon.

Iyong sa Tarlac shooting, away sa lupa ng magkapitbahay, ito namang sa QC, away kapitbahay din. Ang pagkakatulad ng dalawang kaso, parehong pulis ang bumaril, parehong babae ang kanilang binaril.

Matagal naman nang nangyayari ang pang-aabuso ng pulis, ang kaibahan lang ngayon, nakikita na natin sa tulong ng video camera. Sa parehas na pagtingin, hindi naman natin puwedeng lahatin ang pulis dahil mayroon din namang matino sa PNP.

Matagal na ring may mabubuting pulis pero mas maganda lang din ngayon may video camera na rin kaya nakikita natin na ang kabutihan ng ilan.

Ang malaking problema ng ibang pulis, hindi dapat pinahahawak ng baril dahil pakiramdam nila, walang puwedeng sumaling sa kanilang pride. Isipin mo iyong mga utak pulburang pulis tapos biglang iinom ng alak, aba’y hindi ka puwedeng pakalat-kalat kasi baka ikaw ang madale ng stray bullet o ng kanyang baltik sa ulo.

Ramdam natin kung saan nanggagaling ang galit ni PNP Chief, Director General Guillermo Eleazar. Hinihintay kong iumpog ni General sa pader ang namaril na pulis pero talagang mahaba rin ang kanyang pasensiya.

Lahat naman ng hakbang ay ginagawa na ng liderato ng PNP para mapatino ang mga pulis at maibalik ang tiwala ng publiko. Itinaas na nga ni Pangulong Duterte ang kanilang suweldo mula sa P14,000 entry level o lowest naging P29,000 na ito kada buwan.

Ang iniisip natin noon, kaya tiwali ang ibang pulis, mababa ang sahod. Pero itinaas na ang kanilang suweldo, iyong mga dating tiwali, hanggang ngayon ay tiwali pa rin. Ibig sabihin, hindi lang sa suweldo ang problema.

Katulad ng biglaang pamamaril ng mga pulis nang walang probokasyon, nang wala sa bahagi ng kanilang duty, trip lang, iisipin mo talaga na ang ugat ng problema ay nasa recruitment. Sa maraming pagkakatoan, iyong bagong-bagong pulis, nagiging lider na ng sindikato kaya alam mong nag-apply sa pagkapulis para maging kriminal.

Alam nating hindi kayang bantayan ng lahat ng hepe ang mga pulis. Kaya nga papasok dapat yan sa level ng recruitment. Hindi sapat ang diplama at academic credentials para bigyan ng tsapa ang aplikante sa PNP.

May sinasabi sa English na “character cannot be built overnight.” Ang ibig sabihin nito, kailangan mong ugatin ang pagkatao ng isang aplikante sa PNP. Hindi lamang ito usapin ng psychiatric or mental condition, ang mas malalim na nakataya rito ay ang buong pagkatao.

Kapag ang isang Juan dela Cruz ay gustong magpulis, kailangan mong magsagawa ng personal background check nang hindi niya nalalaman. Usisain ang pamilya, magtanong sa mga kapitbahay, tingnan ang historial background noong nag-aaral at alamin ang karakter nito sa dati niyang pinapasukan. Kung kailangang tanungin ang mga niligawan, mga naging kasintahan at pati na ang suking tindahan ay gawin na natin.

Masyadong matrabaho ang suhestiyon nating ito pero naniniwala akong makakakuha tayo ng totoong tao at totoong matinong pulis kapag ganito ang ginawa natin sa antas pa lang ng recruitment.

Ang tingin ko kasi, ang mabuting tao ay unang hinuhubog sa loob ng bahay kaya kapag lumabas ito sa kanilang barangay, hindi nagbabago ang kanyang karakter.

Simulan natin sa loob ng tahanan ang pagbusisi sa pagkatao ng mga aplikante sa PNP para makilala natin silang mabuti bago bigyan ng armas at tsapa.

Dito hindi tayo magkakamali, kapag ang aplikante ay may takot Diyos, mapagmahal sa mga magulang, mga kapatid at walang nakakaaway na kapitbahay, one hundred percent, tiyak na magiging mabuting pulis yan.

Sino ang gustong pumusta?

allanpunglo@gmail.com