Default Thumbnail

Paalam, Pres. Noynoy at kailan aaksyon ang Comelec?

June 24, 2021 Paul M. Gutierrez 486 views

PaulBINABASA ninyo ito, dear readers, marahil alam na rin ninyo ang pagpanaw Huwebes ni ex-president, Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, aka, ‘PNoy.’

At ang dahilan ng kanyang pagkamatay, ayon na rin sa mga ulat, ay masusuma natin sa ganito—“abuso sa katawan,” ‘yan ang nagdudumilat na katotohanan.

Bukod kasi sa pagiging ‘chain-smoker,’ ginagawa rin ni PNoy na “tubig” ang soft drink (Coke regular) kaya hindi nakapagtataka na bukod sa cancer, nagkaroon na rin pala siya ng diabetes.

Sa ating mga ‘newsfeed,’ marami tayong nabasa na siyempre pa ay pulos “papuri” kay PNoy ng kanyang mga naging kasamahan sa Kongreso at Senado.

Bagaman, ang tunay na “hatol” sa kanya, sa kanyang mga ginawa, kasama na ang pamilya Aquino, taumbayan at ang ating kasaysayan ang huhusga.

“Napagtakpan” ba ng achievement ng mga Aquino (kung meron man) pabor sa bansa, mula kay Ninoy, Tita Cory at hanggang kay PNoy, ang kanilang mga naging “kahinaan” bilang lider at mga indibidwal na naging balakid naman sa interes ng bansa at taumbayan?

Sa ganang atin, hindi ang mga praise release at mga ‘appeal to the emotion’ ang magiging batayan sa magiging pinal na paghusga ng ating kasaysayan kay PNoy at sa mga Aquino.

Noong pangulo pa si PNoy, sa pamamagitan nitong ating kolum, palagi nating “ipinaalala” sa kanya na dapat niyang palaging bigyan ng pansin kung ano ang magiging hatol (verdict) sa kanya ng ating kasaysayan. Kumbaga, pagbuhusan niya ng panahon ang kanyang iiwang ‘legacy,’ isang bagay na dapat palaging iniiisip ng ating mga lingkod-bayan at mga lider ng ano mang samahan.

At naging malinaw sa atin, na walang pakialam ang mga Aquino sa magiging hatol sa kanila ng bayan at kasaysayan. Nakapanghihinayang, tsk.

***

Tinitiyak ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahanda nito sa darating na halalan sa susunod na taon sa kabila ng pandemya.

Patuloy ang kampanya nito upang sa pagpaparehistro at nasa 60 milyong Pilipino na umano ang botante. Malapit sa kanilang target na 62 milyong Pilipino na makapagparehistro.

Bagaman may sapat na panahon pa para maabot ang target na Comelec, hindi ito ang siyang malaking problemang kakaharapin ng mga boboto para sa susunod na eleksiyon.

Una na rito ang matagal nang problema ng mga Pilipino, ang Smartmatic na siya pa ring gagamitin para sa automated election.

Nagtataka tayo sa kabila ng maraming kontrobersiya na mayroon ang Smartmatic na sa tingin natin ay hindi naman naipapaliwanag nang mabuti ng Comelec, ito pa rin ang pagkakatiwalaan nila.

Gaya noong nakaraang eleksyon nang magkaroon ng ilang oras na pagkaantala sa pagpasok ng vote counts. Kaya tuloy nagduda ang marami sa kinalabasan ng eleksiyon at isinisi pa sa kasalukuyang administrasyon. Parang gustong sabihin na no choice tayo sa Smartmatic kaya pagtiyagaan na lang natin.

Kaya naman ito ang una nating tanong: Kailan aaksyon ang Comelec sa mga isyung palaging nakakabit dito sa Smartmatic?

Sa totoo lang, Comelec na lang ang natutuwa sa Smartmatic, ang karamihan sa mga Pinoy, tamang hinala.

Kung may ibang pagpipilian hindi Smartmatic ang pipiliin ng taumbayan na matagal nang nagdududa sa pagpapatakbo nito sa ating halalan.

Ilang bilyong piso na ba ang kinita ng Smartmatic mula sa buwis ng mga tao mula pa noon una itong ginamit?

Gaano na ba kaantigo ang mga makina na ito at epektibo pa bang gamitin ang mga ito sa kabila ng ilang taon na o may dekada na ang paggamit sa mga ito?

Bibili ba tayo ng bagong mga makinang ito at sa Smartmatic ba ulit? Ano na namang kapalpakan kaya ang aabangan natin?

Kasunod ito ng isa pang problema na maaari nating kaharapin, ang brownout!

Sa ngayon ay may pangangailangan na matugunan ang pagnipis ng imbak na enerhiya partikular sa Luzon na nakakaranas ng mas mahabang rotational power interruption. Sinabayan pa ito ng pagkasimot umano ng suplay ng natural gas mula sa Malampaya gas plant.

Sumunod, anong safety protocol ang ipapatupad sa pagboto sa darating na eleksiyon dahil alam nating maaaring naririto pa rin ang banta ng COVID-19?

Wala pa tayong naririnig sa Comelec kung paano nila ito paghahandaan.

Ito ang bagong problemang kailangan ding paghandaan sa eleksiyon dahil sa dagsa ng mga tao. Hindi natin gugustuhin na muling tataas ang kaso ng COVID sa bansa at ibabalik tayo sa quarantine.

Ilan lamang ang mga ito sa kakaharapin ng Comelec sa darating na eleksiyon.

Bagaman nga mahalaga ang kampanya sa pagpaparehistro ng mga botante, kinakailangang makita ng taumbayan ang malinis at ligtas na halalan.

AUTHOR PROFILE