Default Thumbnail

Paalam Manong Carlos M Padilla

May 13, 2023 Magi Gunigundo 526 views

Magi GunigundoNABIGLA kami sa balita na ang Kgg. Carlos Mapili Padilla, kasalukuyang gobernador ng lalawigan ng Nueva Viscaya (NV) na hinalal ng tatlong sunod na beses (2016,2019 at 2022) ay binawian ng buhay dahil sa atake sa puso noon Mayo 5, 2023 sa edad na 78. Isa rin siyang beteranong mambabatas ng 28 taon sa pambansang lehislatura na kumatawan sa nag-iisang distrito ng NV. Hindi po namin makakalimutan ang ambag ninyo sa bansa, Manong Caloy.

Nakikiramay kami sa kanyang asawa, Gng. Ruth Raña Padilla (isang matalik na kaibigan ng aking pinsan buo na nars) na nagsilbi rin bilang Gobernador ng NV at dating senior commissioner ng Professional Regulations Commission, sa kanilang tatlong anak, at sa lahat ng mga Novo Viscayano sa pagyao ng isang tapat na lingkod ng bayan. Si Manong Caloy ay patunay na mali at malayo sa katotohanan ang pinapakalat na kaisipan ng mga troll ,na puro anti-intellectual, na lahat daw ng politiko ay korap.

Nakilala ko si Manong Caloy sa aking unang termino bilang Kinatawan sa ika-11 Kongreso, at naging malapit kami sa 12th , 14th and 15th Kongreso. Isa si Manong Caloy na hinangaan ko ang sipag, talas ng pag-iisip, pagpapahalaga sa edukasyon, pagmamahal sa mga wikang Filipino at kapanalig ko sa pagsusulong ng mother tongue-based multi lingual education (MTBMLE) na matagumpay naming naisama sa K to 12 Law o RA 10533. Pinagmamalaki ko na ang aking sipi ng orihinal na bersyon sa wikang Filipino ng 1987 Konstitusyon ay bigay ni Manong Caloy sa akin. Mahalaga itong ebidensya na mayroong wikang Filipino na palaging pinipilosopo ng mga Kinatawan mula sa Visayas na isang wikang hindi pa raw isinisilang.

Noon Pebreo 21, 2012, ako ay nagbigay ng pribilehiyong talumpati sa paggunita ng International Mother Language Day. Sumentro ito sa kahalagahan ng unang wika ng bata sa kanyang edukasyon at ito’y hindi dapat supilin ng DepEd lalo na at mayroon 170 wika ang mga Pilipino. Si Manong Caloy, ama ng Komisyon ng Wikang Filipino na itinatag ng RA 7104, ang unang tumayo upang magtanong sa aking talumpati. Pinaliwanag ni Manong Caloy na ang mga Novo Viscayano ay mayroong 15 wikang katutubo at natutuwa sila sa patakaran ng MTBMLE dahil nangangamba ang mga matatanda na mamamatay ang kanilang mga wika kung hindi ito gagamitin sa loob ng silid paaralan.

Hindi ito nakapagtataka sapagkat si Manong Caloy ang naging Co-Chair ng EDCOM I noon 1991 na siyang naglabas ng mga rekomendasyon upang maiayos ang edukasyon ng Pilipinas. Kabilang dito ang paggamit ng unang wika ng bata sa kanyang edukasyon. Mali na ituring ang unang wika ng bata bilang isang kapansanan. Bagkus, ito ay isang kalamangan na nagpapatingkad sa halaga ng kultura at tradisyon ng mga ninuno ng bata na mainam na panimula para sa pag-aaral niya. Nakakalungkot sapagkat hindi binuhusan ng DepEd ng pondo ang programa bagamat ito ang inuutos ng batas at Konstitusyon. Matagal ng umalis ang mga Amerikano subalit baliw pa rin ang marami sa pananaw na ang wikang “English” ang tanging paraan upang maka-ungos sa buhay na isinaksak ng mga nagtatag ng mga “resident schools”, sa ngalan ni Kristo, na pinagdausan ng matinding pang-aabuso at kalupitan sa mga bata.

Iskolar ng bayan si Manong Caloy sa kolehiyo at naging Pangulo ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Supreme Student Council; Secretary- General ng National Students League, at national treasurer ng National Union of Students of the PH. Dahil isang aktibista at sumali sa First Quarter Storm , si Manong Caloy ay napiit bilang political detainee sa deklarasyon ng Martial Law.

Dahil sa kanyang mga tagumpay na tinamo sa paglilingkod sa bayan, ginawaran si Manong Caloy bilang Outstanding Alumnus ng PUP na nagbigay din sa kanya ng PhD Honoris Causa sa Public Administration. Tumanggap din siya ng PhD Honoris Causa sa Edukasyon mula sa Philippine Normal University dahil sa kanyang ginawa sa EDCOM I. Maraming rin politiko ang tapat sa tungkulin.

AUTHOR PROFILE