Paalam at mabuhay ka, Boss Gus Villanueva!

January 15, 2022 Paul M. Gutierrez 265 views

PaulKAHAPON, Enero 14, ay kinumpirma sa atin ni Dr. Mandy Villanueva, ang malungkot na balita hinggil sa pagpanaw ng kanyang ama at “ama” naming lahat, sa Journal Group, si Boss Gus Villanueva, 83.

At hindi lang natin ‘father figure,’ bagkus, isang kumpare, ‘confidante at matalik na kaibigan si Boss Gus na palaging “nakaalalay” sa atin, nagbibigay ng payo at gabay, sa ating pagsusulat na ang tiwala sa ating kakayahan at katapatan ay isa ring dahilan kung bakit mas pinili nating manatili sa PJI sa napakahabang panahon.

Isa ring “haligi” ng ‘sports media’ si Boss Gus bukod pa nga sa isa rin siyang matibay na “haligi” ng suporta ng ating samahan, ang National Press Club (NPC) kaya alam nating hindi lang ang PJI ang nawalan ng isang mahusay na “boss” at editor, bagkus, ang buong industriya ng pamamahayag sa buong bansa.

Mabuhay ka Boss Gus! At palagi kong dadalhin sa aking alaala ang masasayang araw at oras na magkasama tayo.

Sa pamilya ni Boss Gus at sa industriya ng pamamahayag sa bansa, tanggapin ninyo ang aking sinserong pakikiramay, kasama na ang buong liderato at kasapian ng National Press Club.

***

Sa susunod na buwan magsisimula na ang kampanya para sa national at local positions kabilang ang presidente, bise-presidente, mga senador, mga miyembro ng Kongreso hanggang sa mga gubernador, alkalde at mga kasapi ng mga lokal na konseho.

At syempre, panahon ng eleksiyon dito na muli magkakaalaman ng galing at plataporma ng mga kandidato.

May mga bago at siyempre pa ulit, mga ‘old faces’ na atin nang nakikita tuwing eleksyon.

Mga pangalan na hindi na nawawala sa kapangyarihan. Sabihin na nating ito na talaga ang kanilang naging karera.

O sa iba naman ito ang tinatawag na political dynasties na nagiging problema nating mga Pilipino. Dahil sa mga pamilyang ito nakokonsentra ang kapangyarihan at kapag sobra ang kapangyarihan, sobra din ang abusong ginagawa.

Ito ang isa sa mga problemang ibinunga ng Ampatuan massacre sa Maguindanao nang nais manatili sa kapangyarihan at nakagawa ng pinakakarumal-dumal na masaker sa hanay ng mga mamamahayag sa bansa.

Inabot pa ng isang dekada, sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakamtan din natin ang hustisya.

At syempre, eleksiyon, inaasahan natin ang pagbabago sa liderato ng ating bansa dahil nasa batas na hindi maaaring tumakbo ulit sa pagkapangulo si Presidente Duterte.

Gayundin, may inaasahan din tayong pagbabago sa liderato sa darating na eleksyon ng National Press Club ngayong unang Linggo ng Mayo.

Opo, magbabago na po ang pamunuan ng NPC at ang inyo pong lingkod, bagaman pinapayagan ng NPC By-Laws, ay wala nang balak na muling tumakbong pangulo.

Hindi ko na po dito ipagmamalaki ang naging trabaho natin bilang presidente dahil alam naman po ng mga nagtitiwala sa atin kung anong liderato ang ating ginawa at ginagawa para sa NPC.

At alam naman po ng mga patuloy na naninira sa NPC na wala tayong mabuting ginawa sa kanilang paningin. Mahirap pong kumbinsihin ang mga nagbubulag-bulagan o mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan.

Gayunpaman, dahil sampung taon na rin po ang inyong lingkod bilang opisyal ng NPC at nakadalawang magkahiwalay na termino na rin po tayo, hindi na muna po natin nanaisin na tumakbo sa anumang posisyon sa NPC sa darating na eleksiyon.

Alam po natin na marami pang kailangang gawin at kaharapin ang NPC. Subalit alam natin na kakayanin ito ng susunod na liderato. Gayunpaman, kahit na hindi na tayo opisyal ng NPC ay patuloy tayong susuporta sa mga programa at proyekto nito.

Sa mga patuloy na sumusuporta at susuporta sa NPC, maraming-maraming salamat!

Makakaasa po kayo na kahit na wala na tayo sa posisyon sa NPC ay patuloy pa rin ang ating paglilingkod hindi lamang sa NPC kundi sa buong propesyon ng media.

AUTHOR PROFILE